Sa wakas, natapos rin kanina ang huling klase namin para sa semestreng ito--Criminal Law 2. 4 1/2 oras kaming nanginig at halos nagyelo na sa lamig sa loob ng Justitia, nakikinig kay Atty Padilla sa naghahabol sa pagtatalakay tungkol sa huling kalahating bahagi ng libro namin. Akala ko hindi na matatapos, ngunit natapos rin. At ngayon, Sabado na ng gabi. Halos 48 oras na lang, kukuha na kami ng huling eksamen namin sa Oblicon.
Eto na naman po kami. Sa mga kahuli-hulihang araw bago sumapit ang linggo ng huling eksamen para sa semestreng ito. Pagpapatunay na may silbi ang isang taong ginugol namin sa Ateneo Law School, at ang isang semestreng pagbababad namin sa isang milyong kasong pinabasa sa amin ni Atty Candelaria, at ng iba pa naming mga guro. Panahon na naman para mapuno ng takot, ng pag-aalala, ng walang tigil na pag-iisip.
Katulad pa rin ng dati...hindi na nagbabago. Paikot-ikot-ikot-ikot lang ang buhay dito sa Law School. Mga panahon ng matinding saya, ng matinding lungkot, ng matinding takot, at matinding pagod. Yun at yun na rin lang ang nararamdaman ng mga tao. Parang hindi umaabot sa lebel na tahimik lang, na kalmado ang lahat. Kailangan parating may tensyon, anumang uri ito dumating sa buhay namin. Parang sirang plaka. Paulit-ulit-ulit-ulit-ulit lang.
Kung tutuusin, dapat sanay na kami sa buhay na ito. Halos isang taon na rin naman kaming namumuhay ng ganito. Pero ito ata ang isa sa mga bagay na kahit kailan, hindi mo makakasanayan.
Lahat nang nasa paligid ko ay kinakabahan, natatakot na baka, matapos ang lahat ng paghihirap, lahat ng pinagdaanan nila, mawawala rin lahat. Matapos ang lahat ng nangyari noong katapusan ng nakalipas na semestre, alam na ng lahat kung gaano kadaling mahablot sa iyo ang lahat ng pinaglalabanan mo.
At ako? May mga panahon pa rin na gusto kong malampasan ang taong ito, na gusto kong umabot sa ikaapat na taon sa Law School. Ngunit, minsan, parang wala na akong enerhiya pang mag-alala man lamang. Minsan parang di ko makayanang magkaroon pa ng pakialam sa kung anumang mangyari sa akin dito. Eto lang ako, nagpapadala na lang sa alon, hinihintay na makaahon, mapadpad sa kung saan man o malunod na lang. Maling mali, alam ko, pero wala...wala na talaga akong enerhiyang lumaban pa.
Dati, may kahit kaunting motivation pa ako. (Di ko alam ang tagalog ng motivation. Ha.) Gusto kong matakasan ang sinasabi nilang kapalaran kong magtrabaho para sa mga magulang ko. Gusto kong makahanap ng lugar na komportable ako, na di ako pinangingibabawan ng takot parati. At may isa pa akong ginustong makuha dati. Umasa ako, inisip ko na baka magbago pa ako. Pero mukhang malabo nang mangyayari pa iyon. Habang lalo kong nakikilala sarili ko, napapag-isip isip ko na hindi na ako magbabago. Gaano ko man gustuhin ang isang bagay, hinding hindi ako matututong ipaglaban ito. Duwag kasi, takot sa mga posibleng kakahinatnan ng masyadong pag-asa sa isang bagay. Takot sa mga sasabihin ng mga tao sa paligid ko. Sa bandang huli, hahayaan ko lang itong makawala hanggang sa makalimutan kong ginusto ko ito dati. Kaya huwag nang mag-ilusyon, para wala nang madamay pang iba sa mga kalokohan ko.
Kaya ayun, ang kakaunting motivation na meron ako dati, ngayon ay wala na. Bahala na lang kung saan na ako mapadpad. Bahala na lang kung ano ang mangyari sa akin.