Ito ang unang araw ko sa International Center Dorm ng UP. :)
Ang hirap talaga maglipat. Ang hirap ng buhay dormer. Ang DAMI kong gamit kasi ang TABA TABA na pala ng buhay ko. Inumaga na ako sa pagsisild ng mga gamit sa maraming bag at pagtatapon ng inipong kalat: mga bagay na wala na akong balak dalhin sa bago kong bahay i.e. notebook na ginamit sa DepEd at mga himutok na isinulat sa likod ng resibo dahil desperado akong matauhan. Inabutan pa ako ng mga magulang kong nagde-defrost ng ref. Jusko. Napagsabihan tuloy ako ni Chad: Ate Psy, saan ka ba talaga nakatira?
(Yabadabadoobiedoo.)
Pagkatapos ng nightmare kong pagliligpit/pagtatapon ng gamit, napagdesisyunan kong mula ngayon, itatapon/ibebenta ko na ang mga bagay na di na mahalaga sa akin. Ang luma kong salamin, bolpen na maganda pero wala nang tinta (puwedeng i-refill pero mahal), paboritong sapatos na sinira ng baha sa Ortigas, at ang banner ng Ateneo noong huli akong manood ng AdMU-La Salle game. Marami pang iba.
-oOo-
Heto ang sinabi ni Daddy nang makita niya ang U.P. I.C.:
“Diyan ka ba titira sa nililibag na building?” Opo, Dad.
-oOo-
Sa totoo lang, ayos na sa akin itong International Center. Maluwag ang kuwarto, mataas ang kisame, at meron akong sariling study table. Malaki at maluwag din ang cabinet. Kasyang-kasya ang matabang buhay ko.
Ayos din ang roommate kong Korean. “Vanessa” ang English name niya. Pinili raw niya ito kasi “Big Flower” ang ibig sabihin. (Ah, okay.) Nakakapag-usap naman kami. Ang galing nga, eh. Nakakapagkuwentuhan kami at nagkakaintindihan kahit bungi ang aming Ingles. Tantya ko okay nga siyang tao at siguro kung sa Korea ako lumaki malamang katropa ko siya. Malamang tulad ako ng mga kaibigan niyang sina Luvi (lovey?) at Zeny na madalas daw tumambay sa aming kuwarto.
Pangamba ko dati ang maging taga-outer space dito sa kuwarto kasi puro taga- Northeast Asia ang kasama ko. Kanina nga, nang bumisita sa kuwarto sina Luvi, di nila maiwasan mag-Korean. Pero taliwas sa inaasahan ko, hindi ako nailang. Sinabi kasi ng pandama ko na okey silang mga tao. Isa pa, pakiramdam ko lumuluwag ang espasyo ko kapag nagko-Korean sila. Parang merong sikretong kuwarto na nabubuksan kung saan puwede ka ulit mapag-isa kahit meron kang mga kasama.
Nakilala ko na rin kanina ang boyfriend ni Vanessa na si Tony. Korean din. Nag-aral ng English sa Canada at ngayon exchange student naman sa English Dept. ng U.P. Mukhang kuwela naman. :p At dahil parehas kaming mahilig ni Vanessa sa pasta, magdi-dinner kami mamaya sa TOSH. Ngayon, mag-me-memorize muna sila ni Tony ng 200 English words at ako naman, ibo-boy abunda ang araw ko sa bloglandia.
-oOo-
Nagsimula na noong Sabado ang aking klase. Shocked ang lola ninyo sa U.P. Nasanay ako sa Ateneo na unang araw pa lang ng klase meron nang course outline at reading list na naka-envelope sa Reserve Section. Dito, WALA. Matapos ang informal lecture na walang structure, nagsabi lang siya in passing ng mga theorists na puwede namin basahin. Tapos, tapos na. Ina-ni-Paking! Sa Nob. 26 na kami magkikita ulit para pag-usapan ang mga nabasa namin. Kung paano namin tatalakaying ang “paksa”, hindi ko alam.
Buti na lang at puwede na akong humiram ng libro sa Ateneo. Dito sa UP kalat-kalat-kalat ang mga libro. Palibhasa napakaraming libro at napakalaki pa ng campus, hindi na kayang isilid lahat sa iisang library. Ayun, bawat college merong library. Malas ka nga lang kung nasa kabilang dulo ng university ang kelangan mong libro. Na madalas daw mangyari.
Mabuti na rin at meron pa akong mga kilalang guro sa SA Dept. Puwede kong ikonsulta kay Arce o Doc Z. ang mga theorists na ito at humingi na rin ng reading list para magkaroon naman ng direksyon ang pinag-aaralan ko. Maliligaw ako dito sa U.P. kapag di ako marunong magtanong.
Hindi ako nagsisisi sa desisyong magbalik-paaralan. Masaya rin ako sa desisyon na tumira dito sa IC. Ikinalulungkot ko lang na di ko mapapanood ang katapusan ng Encantadia at masusubaybayan ang kuwento ng Sugo. Mahiya naman akong tumambay sa t.v. room at mang-away ng mga intsikoreanjapanese (magkakamukha sila halos) na nanonood ng BBC at CNN.
Ang hirap maging jologs. :(