ang tagal kong nawala. namiss mo ba ako?
===
ang totoo, napakaraming nang nangyari simula noong huli akong magsulat dito. lahat ng iyon, pinili kong hindi itala. sinadya kong hindi gumawa ng ebidensya. aaminin ko, naging makasarili ako sa mga alaalang iyon. sa isang panig, mas pinili kong hindi magkuwento dahil kumplikado. at alam naman natin ang numero uno kong isyu sa buhay. sabay-sabay tayo, mga kids:
sana simple, pero hindi.
bow.
===
paunawa: mag-iodized salt ka muna bago mo ako husgahan.
===
dalawang gabi ko nang napapanaginipan si doronila, ang aking ex-boss na namatay sa isang car accident sa sibugay. ang sabi ni vanessa, mabuti raw iyon. ibig sabihin, mayroon na akong kaibigan sa spirit world na gumagabay sa akin. siguro nga.
sa unang panaginip, nakasakay kami ni doro sa jeep. suot niya ang bulaklaking blouse na madalas niyang gamitin noon sa fieldwork. masaya kami dahil nabuhay siya ulit matapos ang dalawang araw. ikinuwento niya sa akin ang dalawang araw niya sa langit. malabo na ngayon ang kabuuan ng panaginip na iyon. ngunit mayroon siyang sinabi sa aking dalawang bagay na hindi ko malilimutan.
UNA: totoong may diyos.
(kung nais ninyong malaman ang hitsura ni doronila nang sabihin niya sa akin iyon, isipin ninyo si gollum.
"yeeeezzzz, sigh. totoong may diyooooozzzz.")
oo, totoo raw na may diyos. at alam ba ninyo kung ano ang hitsura niya? isang kalawakang kulay pupas (purple) na may squiggly patterns.
PANGALAWA: kailangang hindi mo sukuan ang iyong mga pangarap.
(ipasok natin dito ang walang kamatayang "bituing walang ningning" ni ate shawie.)
huwag raw akong susuko dahil iyon ang magbibigay ng kahulugan sa buhay ko: ang mismong paglalakbay.
sa pangalawang panaginip, naglalakad kami ni doro sa makiling. hindi ko alam kung bakit sa makiling. hindi ko na rin maalala ang konteksto ng panaginip na iyon. pero ang alam ko, mayroon siyang sinasabi sa aking mahalaga. sa panaginip na iyon, hawak niya nang mahigpit ang aking kamay tulad noong nakaupo kami sa port area ng dumaguete at umiinom ng mainit na tsokolate. hindi ko maintindihan noon ang gusto niyang sabihin. ngayon, iniisip kong marahil iyon
mismo ang mensahe niya sa akin.
sigh. matuto kang makinig.
===
ngayon, kapag pumipikit ako, nakakakita na ako ng kalawakang kulay pupas na may squiggly pattens.
===
mayroong pagkakatulad ang mga katutubo, si linus larraby, at ako. ayaw namin magpakuha ng litrato. no! nev-errr! bakit?
sabi ng mga katutubo, ninanakawan ninyo kami ng kaluluwa!
sabi ni linus kay sabrina, i always look depressed in pictures.
sabi ko naman, wantsapak??? ano 'yan, joke?
isa sa mga gawain ko dati ang magbigay ng aking picture sa mga kaibigan. hindi dahil sa banidosa ako o mayroong fans club. ang totoo, alam kong mayroong madyik ang aking litrato. maniwala ka. kaya nitong bigyan ng lunas ang anumang kalungkutan.
noong ika-19 na bertdey ni akelberi iniregalo ko sa kanya ang picture ni rene requiestas at ang aking highschool i.d. sabi niya, isa iyon sa "pinakamagandang" regalong natanggap niya sa kanyang kaarawan.
noong senior year naman, nagkaroon ng buwan na madalas malungkot si katoons. upang mapasaya siya, nagpadala ako ng isang kahong punung-puno ng aking mga litrato. mga studio shot at stolen shot. lahat,
hindi hot shot. nalimutan ko na ang eksaktong reaksiyon ni katoons nang matanggap niya ang kahon. ngunit sigurado akong nanumbalik ang paniniwala niyang maganda siyang tao.
nakababagabag ang nangyayari sa pilipinas ngayon. para tayong basketball team na walang coach. parang beauty queen na nilinlang ng jowa (huh?). noong sabado, napaluha ang aking professor na si lily ann habang ikinukumpara ang pilipinas sa ibang mga bansa sa asya. ano na raw ang nangyayari sa bansa natin. ano na? ano? awang-awa ako sa kanya. noong sandaling iyon, gusto kong ilabas ang aking SSS ID para mapangiti siya.
sapagkat napakarami sa ating mga kababayan ang nagsusumiklab sa galit at sama ng loob. sapagkat napakarami ring manhid at walang pakialam kung mabura ang pilipinas sa mapa ng mundo. sapagkat ayon kay ate glo, kailangan na tayong magkaisa, napagdesisyunan kong ipaskil ang larawang ito upang makatulong sa paghilom ng
malungkot nating bansa.

pilipinas, magpasalamat tayo kay marie la vina at sa tatlong bote ng san mig light.
tandaan ninyo ang mukhang 'yan. hihilumin n'yan ang malungkot mong mundo.