BANGKÁY SA BATIS
November 11, 2024
“Akó itó a!” Titíg na titíg si Jesús Buntáng sa bangkáy na nasa ilalim ng batis. Napahawák siyá sa kanyáng minasbád na iták.
Tila salamín ang pulidong daloy ng dalisay na tubig. At sa ilalim nitó ay siyá. Siyá na nakabuká ang bibíg at nakataás ang dalawáng kamáy na tila sumusukò o hinoholdap. Butás-butás ang damit–marahil sa tamà ng bala o undáy ng saksák. At titíg na titíg din sa kanyá.
Bumukál ang malamíg na pawis sa kanyáng kalamnán tulad ng batis na kumukumot sa bangkáy na nasa kanyáng haráp. Mas lumapit pa siyá sa nakahandusay na katawán at nagpalingà-lingà pa. Lehitimóng patáy nga itó sa isáng karaniwang araw na gayá nitó. Ilalawig lamang niyá ang kalabáw sa lilim, sa bahagìng iyón ng kakahuyán na nasa ilalim ng tuláy at tinutuhog ng highway na nasa itaás.
Mulî siyáng nakipagtitigán sa bangkáy. Siyá nga itó, siyá at ang mga matá ng kanyáng amá. Ang kanyáng amá na kalilibíng pa lamang.
“Lamáng lagì ang engkargado Jesús. Tayo ang nakatirá sa lupà kayâ tayo ang mas mauuná sa mga niyóg at ibá pang gusi o ani. Di natin dapat ipapaalám kay Pay Unyô na nagsimulâ na tayong magkopra, at dito tayo sa lihim nating hagunan o koprahan.” Sabi ng kanyang amáng si Max Buntáng.
Nagmamadalî siláng mag-ama sa pagpaláw o pagtalóp sa mga niyóg at bakâ biglâng bumisita si Pay Unyô. “Mabuti na ang sigurado, kahit hindî niyá lupà ang bahagìng itó, abá e, malay natin makahalatâ.” Dagdág nitó.
Sa isip ni Jesús, likás na tuso talagá ang kanyáng amá. Katunayan, sa edád nitóng pitomput dalawá, retirado itóng tulisán. Bago pa ang gera, dati na itóng magnanakaw ng mga kalabáw at baka. Kasama ang pangkát nitó, nag-aabáng itó ng mga biyahero at kaniláng pinahihintô, tinututukán ng baríl at nililimás ang pera at gamit.
“Ibinibigáy namin sa mga nagugutom ang mga nakukulimbát namin. Hindî akó masamâng tao. Hindî ba’t nagíng gerilya pa nga akó? Kayâ nga pagkatapos ng gera, nung mapunta ako sa Kawit, sumama akó sa noón sa pangkát ni Nardo. Nagíng tagapagtanggól kamí ng mga karaniwang magsasaká. Kung may tinutumbá man kamí’y mga abusadong tao’t mapagmalabís na pulitiko lamang.” Sagót ng kanyáng amá minsang sumbatán niyá itó.
Madalás kasíng tuksuhín noón ng mga kaklase si Jesús. Kesyo tulisán raw ang kanyáng amá, kesyo manyakis, kesyo matapang lamang at di mahuli-huli, kasí may agimat at antíng-antíng mulâ kay Nardong Putik.
Nasa limampû na edád ng kanyáng amá nang magka-anák. Nag-asawa lamang itó nang umuwî na sa probinsiyà. Ngayón ay dalawampú’t dalawáng taón na ang edad ni Jesús.
“At hindî totoó yang mga sinasabing agimat at antíng-antíng na yan! Hilig ko lamang magsusuót ng mga kuwintás at mga kung anú-anó pa bilang porma ng isáng eskrimadór. Si Nardo ay hindî naglalahò kapág nakakatuntóng sa putik. Kayâ “putik” ang tawag sa kanyá ay kasí iyón rin ang banság sa kanyáng amá na isá ring magsasaká.” Dagdág pa ng kanyáng amá.
May suót ang kanyáng amá na medalyón, iyóng tinatawag na Infinitu Deuz. Mayroón rin itóng iniingatang panyô na may mga nakasulat na Latin. Mayroón rin itóng kuwintás na pangil ng baboyramo, patí na rin isáng pulseras na may batóng hugis ulíulí o ipoipo. Madalás magtaká si Jesús kung bakit minsan ay parang naglalahò sa gubat ang kanyáng amá. Magkasabáy pa lamang siláng naglalakád ay biglâ itóng nawawalâ. O paakyát siyá sa buról at masasalubong niyá itó ng dalawáng beses.
Marami pang kakaibá sa kanyáng amá. Subalit ay minsang nariníg niyá rin itóng may pinabababâ sa itaás ng punò ng niyóg. Nang kanyáng puntahán ang bahagìng iyón ng niyugán, ay isá paláng dalaga na nangunguha ng niyóg sa lupà ni Pay Unyô ang sinisigawán nitó. “Ligò o karsél?” Sabi ng kanyáng amá sa magandáng dalaga nang itó ay nakapanaog na.
Umalís ang dalawá tungo sa direksiyón ng “Lihim na Talón.” May talón sa kagubatang kinaroroonan ng mga lupaing pinapangalagaan ng amá ni Jesús. Kauntî lamang ang nakaaalám ng nasabing talón. Siyá, ang kanyáng amá, ang kanyáng tiyuhin na si Armando Buntáng at mga kasamahán ng kanyáng amá. Katipunan ng Antingero. Bastá minsan binibisita ng mga itó ang kanyáng amá at may pinupuntahán silá, isa na rito ang “Lihim na Talón.”
“Huwág kang magpapaniwalâ riyan sa tiyuhin mo, ordinaryong talón lamang iyón. ‘Yang angkol mo na ‘yan, pinag-aral ko para mag-abogado, anóng ginawâ? Nagíng makatà, nagíng gurô ng panitikán sa unibersidád. Nahiligán pa yang mga agimat at antíng-antíng na yan. Paano tayo yayaman? Kayâ ikáw, mag-abogado ka, ipagpatuloy mo ‘yung pagtulong namin noon ni Nardo sa mga naaapí.” Minsang pangaral ng amá kay Jesús. Tinanóng niyá kasí itó kung totoóng kanlungan ng mga engkanto ang “Lihim na Talon.”
“Oo, Jesús. Katunayan, hindî mabatóng batis ang daán tungo sa balón, isá talagá itóng sementadong kalsada. Mataás ang antás ng teknolohiyá ng mga engkanto, at kung ilán ang populasyón ng tao, ganoon rin silá karami. At kung may mga propesyunal at mga paaralán tayo, mayroón rin silá. Mas mataás na urì pa nga ang
kaniláng mga sasakyán at armás. Ibá lamang ang hitsura ng mga itó sa paningín ng tao dahil nasa ibang dimensiyón silá.” Sagót ng kanyáng Tiyo Armando. Nagpapahingá silá noon matapos mag-ensayo ng eskrima. Nililinis nila ang isáng riple na M1 Garand ang tawag. Napulot nilá itó sa loób ng kuweba. Marami silang napupulot na mga baríl sa mga kuweba, minsan ay sa pusod ng gubat. Ang sabi ay mulâ pa raw itó sa panahón ng mga Hapón.
“Ibáng dimensiyón!” Sabi ni Jesús. Nasasabík sa paborito niyáng paksá.
“Parang ganitó. Isipin mo ang isáng radyo na nasa isáng silíd. Sa iisáng espasyong kinaroroonan ng radyo ay may nasasagap itóng maraming istasyón. May AM at FM pa nga.” Paliwanag ni Armando. Matalino nga itó at hindî lamang matulain, malakás pa at maliksî.
“AMalda Marcos at Ferdinand Marcos! Hahaha!” Natatawáng sagót ni Jesús.
“Ikáw talagá. Di ka talagá matigil sa birò mo na yan. Hahaha!” Natutuwâng sagót ni Armando.
“Kasí namán angkol, parang siláng mag-asawa ang kumukontról sa lahát. May isá ngang batà rito sa atin na ang akala ay si Marcos ang kumukontról sa ulán at bagyó.” Natatawá pa ring sambít ni Jesús.
“Ahaha… Huwág namán sana.” Sabi ni Armando nang may agam-agam.
“Bakit po angkól?” Tanóng ni Jesús. Napansín nitó ang daglîng pagseseryosó ng tiyuhin.
“Walâ namán Jesús. Bastá walâ namán talagáng nakaraán o hinaharáp. Ang lahát ay nakadepende sa relasyón mo sa tinitingnán, relativity nga sabi ni Albert Einstein.” Inibá ng tiyuhin ang usapan at nagpaliwanag na lamang.
Marami nang nasulat na aklát si Armando. Sa kabilâ nang pagiging premyadong makatà, mananaliksík din itó at marami nang naisulat na mga aklát patí na ang tungkól sa mga agimat, antíng-antíng at paranormal. Bagamá’t nasa Maynilà na itó at nagtuturò sa unibersidád, madalás pa rin itóng umuwî sa kaniláng baryo, nagsasaliksík sa gubat at kinukumusta ang pag-aaral ni Jesús. Itó kasí ang nagpapa-aral sa kanyá lalo at matandâng binatà itó sa edád na animnapû. Tulad ng kanyáng amá, nakakapagtaká ring wari’y hindî itó tumatandâ.
“Ah, depende kung asan ka. Kung may tumatakbóng trak na animnapû ang takbó, animnapû nga itó kung nakasakáy ka rin sa trak. Peró kung ang nakasakáy sa trak ay may ipupukól na bola na may bilis na animnapû rin tungo sa direksiyón rin ng trak, para sa nagmamasíd sa tabí ng kalsada, ang bilís nung bola ay isandaan at dalawampú.” Kuhang-kuha ni Jesús. Mahilig kasí siyá sa asignaturang pisiká.
“At kung titingnan ang mundô mulà sa malayòng planeta gamit ang isáng super na teleskopyo, ay bakâ mga dinosaur pa ang makita rito at hindî tayo.” Dagdág ni Armando.
“Kayâ sa dulo ng uniberso ay walâ nang konsepto ng oras!” Masayáng kongklusyón ni Jesús. Mahilig kasi siyá sa mga ganitóng paksá.
“Hindî lamang natin makita subalit, sa isáng espasyo, sabáy-sabáy na umiiral ang nakaraán, ngayón at hinaharáp kung meron man nitó. Hmmm… Ang mga UFO kayâ ay tayo rin? Ang mga engkanto kayâ ay ibáng sibilisasyón na umiral o iiral pa sa espasyong itó? At kung sino man ang makawawasak sa padér ng mga dimensiyón ay magtatagláy ng sukdulan ng kapangyarihan.” Paglalagom ni Armando habang iniaabót kay Jesús ang kalilinis na M1 Garand.
“Ganitóng-ganitó ang pandidilat ng mga matá ni Amá.” Sambít ni Jesús sa sarili habang nakatitíg pa rin sa bangkáy na yaón. Mas batà lamang, subalit ang bangkáy ay parang ang kanyáng amá. Ang malinaw na tubig ang salamín ngayón at salamín namán ng kabaong noóng burol.
“Distorbo sa bukid ang mga rebeldeng iyán! Isuplóng at huwág bigyán ng makakain! Gutumin gaya ng iyóng iná!” Sigáw ni Max habang itinatalï ni Jesús ang amá sa tulong ng mga kasamahán sa Katipunan.
Kanina lamang ay naabutan ni Jesús na hinahabol ng tagâ ng kanyáng amá ang kanyáng iná. May kalaguyò raw itó. Kakatwâ dahil pitomput limá na ang edád nitó at mas nakatatandà pa sa kanyáng amá. Nanlilisik ang mga matá nitó habang paikot-ikot sa paligid ng kaniláng dampâ. Sa kung anóng dahilán ay wari’y hindî nitó mahanap ang kaniláng pintuan. At maririníg lamáng sa loób ang orasyón ng manggagamot niyá ring iná.
Bayolente talagá ang kanyáng amá. Katunayan, ayon kay Pay Unyô hindî namán raw talagá niyá engkargado si Max. Naabutan niyá lang raw itó noón na nagtatagò sa magubat na bahagî ng kanyáng lupaín. Nagmakaawà raw itóng huwág isuplóng. Nakapatáy raw kasi itó sa Maynilà, mga kaaway raw ni Nardong Putik, maimpluwensiyá. Hinahanap daw sa kanyá ang mga agimat at antíng-antíng ni Nardo. Paano namán raw iyón? Hindî namán raw totoó ang mga bagay na yaón. Nagpang-abot daw silá sa talyér na pinagtatrabahuhan niyá, nagkabarilan, at iyón nga, naubos niyáng napatay ang pangkát.
Bumubulâ ang bibíg ng kanyáng amá. Nagpupumiglás. Likás na malakás ang kanyáng amá subalit pansín ni Jesús na mas mahinà itó ngayón.
“Nauulól ang iyóng amá… Mag-iisáng taón na kasí mulâ nang mapasláng si Nardong Putik. Malamáng nasa iyóng amá ang mga gamit ni Nardo. Nasa kanyá nga Jesús… Naghihimagasík ang gamit lalo at pinagtaksilán si Nardo. Kailangan nitó ng mas malakás na katawán. Nailipat sa tatay mo siguro ang gamit nang minsang makulong si Nardo. Kayâ hinahanap sa kanyá itó noón ng mga nakakaalám.” Sabi ng isáng matandang antingero kay Jesús. Hindî niyá mawarì kung nalulungkót o natutuwâ itó. Lalo at huminà nang huminà si Max Buntáng.
“Kamukhâ ko palá talagá ang aking amá.” Nakatitíg pa rin si Jesús sa bangkáy sa batis, sa sarili niyáng bangkáy lalo na sa mga sugat nitó. Subalit biglâng may gumambalà sa taimtím na gubat. Hindî mga ibon, hindî baboyramó o anó pa mang lamáng-gubat kundî mga yabág. Mga botang bumabasag sa malá-salamín na batis. Mga sundalo, isáng pulutóng na sundalo. Lahát walâng nameplate. Naka-umang agád ang mga M16 sa kanyáng mukhâ at lumapit sa kanyá ang isá sa mga itó at pasinghál na nagtanóng: “Sino ka at anóng ginagawâ mo rito?”
“Jesús Buntáng po, magsasaká, estudyante.” Sagót niyá.
“Kung ganoón kilala mo ang magkapatíd na Buntáng. Nasaán silá?” Balík nitó.
Sumunód ay katahimikán at iyák ng mga kulisap at ibon. Mahabâ ang buhók at balbás ng sundalo. Hindî itó mukháng opisyál. Lahát silá’y may sukbít ring mahahabâng iták.
“Bakit po ninyó silá hinahanap?” Tanóng ni Jesús.
Nagkatinginan ang mga sundalo. Makahulugáng tingín, malihim na tingín. At sumagót ang opisyál: “Wanted silá, illegal possession of firearms.”
“May arrest warrant po ba kayó?” Tanóng ni Jesús. Paborito niyáng basahin ang mga aklat sa batás ng kanyáng tiyuhin.
“Walâng warrant-warrant sa amin. At suspendido ang writ of habeas corpus. Di mo ba nariníg ang deklarasyón ng Martial Law ni Apò?”
Sa isip ni Jesús, itó na iyóng bali-balitàng magdedeklará ng Batás Militár ang Pangulo. Talamák na raw kasí ang rebelyón. Pero kagaya ng Plaza Miranda bombing, palabás lang raw ang mga dahiláng itó. Nais raw talagá ng Pangulo ay labis na kapangyarihan.
Naaalala pa ni Jesús ang tulâng binasa ng kanyáng Tiyo Armandó sa isáng pagpupulong ng mga manunulát. Tungkól ang tulâ sa naganáp na engkuwentro ng Philippine Constabulary at New People’s Army sa Palanan, Isabela. Namumulot noón ang kanyáng tiyo ng mutyâ sa tabíng-dagat nang maipit sa barilan ng dalawáng panig. Nagdidiskargá raw kasi ng mga armás ang mga NPA mulâng MV Karagatán nang datnán ng mga PC. Tatlóng araw ang bakbakán. Ni hindî nagalusan ang kanyáng tiyuhin. Natuwâ raw sa kanyá ang opisyál ng PC at iniharáp siyá sa Presidente mismó. Warìng interesado ang Pangulo sa paranormal, sa supernatural at kapangyarihang galing sa mga agimat at antíng-antíng. Patí raw mga aklát ng kanyáng tiyo ay binasa nang mabilisan ng Pangulo at kakatwâng nakabisa agád itó. Nagka-interes pa nga raw itó sa mga psychic surgeon at ipinatawag sa kanyá si Jun Labò.
Gaya ng Pangulong Marcos ay matalas rin ang gunitâ ni Jesús. Kabisado niyá pa ang tulâ ng kanyáng Tiyo Armando:
“Namulot ng mutyâ’t
Kung hindî ay akó ang hahanapin nitó.
Magsasaká’t dukhâ
Ngunit alumpihit ang diwâng antingero.
Biyayà ng lupâ
Ang bawat pag-ani, reseko ma’y maligno.
Kaya’t hinilatà
Ang katawáng pagál sa gatipák na bató.
Akó ay nagsigâ
Sa dalampasigang balwarte ng engkanto.
Baság ay winikâ
Kumislót ang isdâ, kasama’y alimangó.
Ihawá’y hinandâ
Batóng tungkúng-kalán at ang daláng kaldero.
Nang sa may kaliwâ
Sa may buhanginán ay may napansin akó.
Nang lapitan biglâ
Ang naaninag ko, ripleng tila kargado.
Lalo pang nagitlâ’t
Sa di-kalayuan ay may buwál na taó.
Dibdíb ko’y dinagâ
At bangkáy na itó ay may butas sa ulo.
Ako ay tulalâng
Lumakad pauróng, “kadre ba o sundalo?”
May sumigáw, “Dapâ!”
Mortar ay kumulóg, punglô ay ipoipo.
Pugad ng engkanto’y isá paláng engkwentro!”
Umaalingawngáw pa sa yungib ng diwà ni Jesús ang tulâ. Alám niyáng nasangkót na silá sa kaguluhang itó. Batíd niyáng nanganganib ang buhay ng kanyâng tiyuhin sa mga walâng ngalang sundalong itó.
“Subalit patáy na po ang tatay ko…” Sagót ni Jesús sa opisyál. At tila nagíng tahimik ang gubat. Umikot ang paligid, umikot nang umikot. Kasabáy sa pag-ikot ay ang tinig ng kanyáng amáng si Max Buntáng, ang retiradong tulisán na nagíng simpleng magsasaká at albularyong si Max Buntáng. Ang pinagkatiwalaan ng gamit ni Nardong Putik na si Max Buntáng.
“Jesús anák. Totoó ang mga agimat at antíng-antíng. Isuót mo ang medalyón ko. At kunin mo rin sa aparadór ang panyô. Patí na ang nababalot nitóng kuwintás na pangil ng baboyramo na may nakalambitin na gintóng salagubang sa gitnâ. Naroón rin ang mutyâ ng ulíulí. Tandaán mo rin ang mga itinurô ng tiyo mo sa iyó. Ipagpatuloy mong basahin ang mga libró ng batás at lumaban ka anák. Sumamá ka sa kanilá sa Lihim na Talón… At pagkatapos ay lumaban ka anák, lumaban ka anák!” Ang hulíng habilin ng kanyáng amá bago itó nagkikisáy at tila tumandâ nang maraming taón bago nalagután nang hiningá.
Kayâ’t binunót ni Jesús ang kanyáng minasbád. Hindî ba’t tagláy niyá ang ilán sa mga gamit ni Nardong Putik patí na ang dunong sa eskrima? Manlalabán siyá sa unang pagkakataón. Itó na ang simulâ ng kanyáng alamát. Hindî ilegal na armás ang sadyâ mga sundalông itó. Sugò silá ng Pangulo upang makuha ang mga agimat at antíng-antíng. Sugò silá ni Marcos, ni Marcos Supernatural na hangád tunguhin ang Lihim na Talón!
Sinulyapán niyá ang bangkáy sa batis subalit naglahò na itó! Sa kabilâ ng kanyáng pagkagitlâ ay sinugod niyá ang opisyál.
Brrraaaaaaaaatttt!!! Awtomatikóng nanlisik ang mga M16. Bawat punglô ay tinungo ang kaniláng sadyâ, ang katawán ni Jesús Buntáng.
Bumagsák sa batis si Jesús, tadtád ng bala. Lumapit pa sa kanyá ang mga sundalo at mulî siyáng nirapido nang nirapido. Nakataás na ang mga kamáy ni Jesús, warì’y sumusukò. Sa ilalim ng tubig ay nakabuká ang kanyáng dumudugông bibíg, dilát na dilát ang kanyáng mga matá. Tila uláng bumubuhos sa rabáw ng batis ang mga bala.
Mga mambabasá, sa tagpông itó ay iisipin ninyó na tilá palpák ang agimat at antíng-antíng na namana ni Jesús Buntáng. Ang patunay rito ay ang naganap sa itaás na talatà. Subalit ay hindî. Hindî mapapasláng si Jesús Buntáng. Akó na mismóng may akdâ ang maneneguro na hindî siyá mapapatáy sa tagpông itó.
Matapós ang libíng ni Max Buntáng ay sinamahán ni Armando Buntáng at ng Katipunan ng mga Antingero si Jesús. Tagláy ang mga gamit ni Nardong Putik, naligò itó sa Lihim na Talón. At gaya ng dalagang kasapì ng Katipunan na nagnakaw noon ng niyóg sa lupaín ni Pay Unyô, nalinis rin ang budhî ni Jesús Buntáng. Ligò o karsél? Pinilì ng dalaga ang maligò at mulîng magíng dalisay at huwág nang magnakaw mulî. Hipokritó kamo si Max Buntáng? Opò, kayâ nga bilang may akdâ, hindî na akó nakapagtimpî at inulól ko siyá at tsinugì.
Akó na may akdâ ang hinaráp ni Jesús Buntáng sa Lihim na Talón. Akó na may kapangyarihan sa daigdíg na itó. Akó na maylikhâ ng ibá’t ibáng dimensiyón ang humahawak sa noón, ngayón at sa daratíng pa ng isáng akdâ. Ang Talón, ang kanlungan ng pagkamikhain at akó ang Ultimóng Engkanto ng mga salità.
Kayâ pagkatapos namíng magharáp-haráp ay tinagláy ni Jesús Buntáng ang agimat at antíng-antíng na pinagbisa ko rin. Kayâ mulîng mauulit ang eksena sa batis.
Sinulyapán ni Jesús ang bangkáy sa batis at kakatwâng naglahò na itó. Sinugód niyá ang opisyál, simbilis ng kidlàt. Humintô ang pagdaloy ng batis, ang pagsimoy ng hangin, ang mga himig at galáw ng gubat. Humintô rin ang pagdaloy ng panahón para sa mga sundalo. Mga estatwa siláng nangaghintô. At si Jesús Buntáng lamang ang gumagaláw.
Arál na arál ni Jesús ang mga pagmamalabís ng mga espesyál na sundalong itó na walâng mga ngalan. At ngayón namán, ay sa ngalán ng mga pinasláng niláng estudyante, magsasaká, iná, amá, até, kapatíd at magíng kapwâ sundalong matuwíd; inisá-isáng ginilitán ni Jesús ang leég ng mga itó. Ginilitán nang ginilitán hanggáng nagkulay dugô ang batis.
Hulíng pinatáy ni Jesús ang opisyál. Tinapyás niyá ang ulo nitó. Sakâ nilinis niyâ ang talím ng minasbád. Marahan siyáng naglakád papalayò. Nagsimulâ na ang kanyáng pakikibaka at ang pakikibaka ng Katipunan ng mga Antingero.
“Mahál na Pangulo, kailangan na po nating umalis.” Mahinàng sambít ng Heneral.
Hindî na naubos ng nakaratay na Pangulo ang mansanas na kinakain. Tumayò itó, inakay ng anák na lalaki. Iniabót ng Pangulo ang isáng mutyâ sa anák at nanghihinàng binulóng: “Hanapin mo si Jesús Buntáng at ang Lihim na Talón, Iho. Baguhin mo ang kuwentó.”
(Saranggola Awards Entry 2024)

http://www.culturalcenter.gov.ph

https://www.facebook.com/SaranggolaPH/

KUNG PAANONG TINALO NG BATÀNG SI OGANG ANG HALIMAW NG DILÍM
November 10, 2024
Mga batà! Gustó ba ninyó ang dilím? O ayawwwww! Pakinggán natin ang isáng kuwentóng tungkol sa dilím! Tayo na’t pumasok ng tent o taklubán ang ating mga sarili ng kumot, pailawin ang flashlight at pakinggán natin ang kuwentó tungkól sa isáng halimaw na yari sa dilím! Nakakita na ba kayó ng halimaw na yarì sa dilím?
Noóng batà pa ang mundó kagaya ninyó, may isáng araw na tila parang tinaklubán rin ng kumot o nasa loób ng tent ang buông mundó. Labis ang dilim ng paligid!
Sa sobráng dilím, ayaw nang lumabás ng kanlungan ang mga kasapì sa isáng tribo. Patí mga mangangaso at tagatipon ng makakain ay ayaw na ring magsilabás!
“Nana Baliana, bakit po ang dilím sa buông paligid?” Tanong ng batàng si Ogang sa babaylán ng kaniláng tribo habang nasa loób silá ng kuweba.
“Nilamon ng Halimaw ng Dilím ang araw, Ogang.” Ang malungkót na sagót ni Nana Baliana habang nakatingin sa labás ng kuweba.
“Halimaw ng Dilím? Anó po iyón? Nakakatakot namán po!” Mulîng tanóng ni Ogang.
“Ang Halimaw ng Dilím, ang halimaw na yarì sa dilím. Gumagala kapág gabí. Nanginginain sa paligid kapág sumasapit ang karimlán. Talagáng labis ang tagtuyót Ogang. Magíng ang araw ay kinain na rin ng Halimaw ng Dilím.” Paliwanág ni Nana Baliana.
Namilog ang mga matá ni Ogang. Naisip niyá ang isáng dambuhalàng halimaw na yarì sa dilim. Maitím, mahabà ang buhók na kakulay ng dilím na sa sobrang habâ ay puro buhók na lamang itó! Buhók na dilím sa likód, buhók na dilím sa kaliwâ at kanan, buhók na dilím maging sa haráp! Bawat kinakain nitó ay tinataklubán nitó. Tinaklubán ang punò, tinaklubán ang ilog, tinaklubán ang bundók, tinaklubán ang dagat, tinaklubán ang araw!
“Magíng nga po siná amá ay walâ ring naiuuwî galíng sa pangangasó at magíng si Iná kauntî rin ang natitipong makakain na mga manî, butó, bitungól at prutas!” Pahayág ni Ogang habang nasa isip pa ang hulagwáy ng halimaw na yarì sa dilím.
“Bakâ kailangan na namán nating iwan ang ating pansamantaláng kanlungan rito na yarì sa mga tipák ng bato, kahoy at mga dahon. Bakâ kailangan na namán nating lumipát ng kanlungan para sa ating tribo.” Hakà ni Nana Baliana.
“Na namán! Nakú po!” Nadidismayáng sagót ni Ogang.
Nakailáng lipat na kasí ang tribo nilá ng kanlungan. Tribong pagala-gala o lagalág siná Ogang. Palipát-lipát silá ng lugár. Minsan sa kabundukan, minsan sa kapatagan, minsan sa lambák, minsan sa talampás, minsan naman ay sa buról, minsan ay sa tangwáy. Kahit saán, bastá at may makakain.
Habang nag-uusap siná Ogang at Nana Baliana sa bukana ng kuweba, dumating si Bornók, ang isá sa mga mangangaso. Naglakás loób itóng lumabás sa kanyáng kanlungan upang tunguhin ang kuweba ng babaylán. “Nana Baliana, kailangan nating mapuksâ ang Halimaw ng Dilim, kailangan mong magsagawâ ng ritwál upang tanungín si Gugurang na poón kung ano ang ating gagawín, kung ano ang sandatang mabisa laban sa Halimaw.” Sabi nitó.
“Hayaan mo, magsasagawâ akó ng Ritwál ng Haliya ngayon rin!” Sagót ni Nana Baliana.
“Ritwál ng Haliya? Anó po yun?” Tanóng naman ni Ogang habang naghahandâ ng mga gagamitin sa ritwál si Nana Baliana.
“Ritwál para paalisín si Bakunawà, isáng dambuhalang sawá na nilalamon ang araw o buwán.” Maagap na sagót ni Bornók.
“Subalit hindî si Bakunawà ang pakikiusapan natin ngayón kundî ang Gugurang mismo na lumikhâ ng lahát.” Dagdág ni Nana Baliana.
“At kailangan mong lumabás ng kuweba, Ogang. Ngunit kung gustó mong manatilì, kailangan mong magíng asog.” Sabi pa ni Bornók.
“Hindî akó lalabás ng kuweba. Katakot! ‘Di po ba Nana Baliana, sinabi po ninyóng gagawin ninyó akóng asog? Anó po ang asog?” Tanóng ni Ogang habang nagkakamót ng ulo.
“Asog, lalaking nakasuot pambabae, gumagaláw na parang babae at katuwáng sa ritwál ng isáng babaylán.” Si Bornók na ang sumagót.
“Babae lamang ang maaarìng magsagawâ ng ritwál dahil kababaihan ang sisidlán ng kapangyarihang pangkaluluwá.” Paliwanag ni Nana Baliana.
“Kayâ kung gustó ng isáng lalaki na sumali sa ritwál kailangan niyáng magsuót pambabae.” Dagdag pa ni Bornok. Halatâng nagíng asog na itó dati.
Likás na mapagmasíd, ginaya ni Ogang si Bornók habang isinusuót nitó ang balabal na gaya ng kay Nana Baliana na ngayón ay pumapahid na ng langís sa paá, tuhod, balikat at ulo. Umuusok na rin ang mga sari-saring ugát at dahon na sinindihán kanina lamang.
Likás na masiglá at masayahin, ginaya rin ni Ogang ang pagsayáw nina Nana Baliana at Bornók. Matipunô ang katawán ni Bornók, lalaking-lalaki itó subalit nakasuót pambabae at pakembot-kembot pa.
“Gurugang, O Gugurang,
Anó pong ilalaban
Sa dilím na halimaw?”
Malakás ang tinig ni Nana Baliana, halos umaawit, malakás subalit magalang. Paulit-ulit.
“Gugurang, O Gugurang,
Anó pong ilalaban
Sa dilím na halimaw?”
Paulit-ulit hanggáng patí sina Bornok at Ogang ay gumaya na rin.
“Gugurang, O Gugurang,
Anó pong ilalaban
Sa madilím na mamaw?”
Sabi ni Ogang.
At nariníg niláng bumuhos ang ulán sa labás. May kasama pang kulóg at kidlát! Mayâ-mayâ ay nariníg nilá ang madagundóng na tinig:
“PANGKAWIT NITÓNG GUBAT,
SA PALAYÁN NA ITÁK,
ESPADA NITÓNG DAGAT!”
Sumagót si Gugurang! Alám na nilá ang mga sandata laban sa Halimaw ng Dilim! At umulán pa! Matatapos na ang tagtuyót!
Nang tumahimik ang panginorin at tumila ang ulán, sakâ lamang nagsalita si Nana Baliana: “Ibalità mo Bornók, sabihin mo sa tribo ang sagót ni Gugurang sa ating tanóng. Sabihin mo kung anó ang sandata laban sa Halimaw ng Dilim!”
“Kawit ng gubat. Iták na nasa palayán. Espadang nasa dagat… Alám ko na!” Sabi ni Bornók at matapang itóng lumabás mulî ng kuweba.
Makalipas ang maraming oras, madilím pa rin ang buóng paligid. Nababahalàng sinabi ni Ogang: “Nana Baliana, hindî siguro mahanap nina Bornók at niná amá ang mga sandata kayâ madilím pa rin… Hindî nilá mapuksâ ang Halimaw ng Dilím…”
“Hmmm… Kawit na nasa gubát. Iták na nasa palayán. Espada na nasa dagat…” Malalim ang iniisip ni Nana Baliana.
Samantalà sa kagubatan, namimilipit sa sakít ang isáng mangangaso dahil nahulog itó sa patibóng para sa baboyramó. Sa latiáng bahagì namán ay nagkakandarapà sa putikan ang ilán sa kaiiwas sa pagsuwág ng isáng kalabáw. Sa karagatán namán ay nasilò sa sariling sinsuro o ipinagbabawal na paglalambát ang mga nangingisdâ ng malasugí. Masamâ kasi ang sinsuro dahil tila itó dambuhalàng lambát. Hinihilà itó patungo sa baybayin ng maraming bangkâ. Nasisirà ang mga korales at napapasama magíng mga maliliít na isdâ.
Lahát silá ay pinamunuan ni Bornók na ngayón ay bigông-bigô. Iilíng-ilíng ang mga matatandâng kasapì ng tribo patí ang amá ni Ogang habang tangan ang mga sulô.
“Kawit ng gubat kung kayâ nanghuli kamí ng baboyramó. Di po ba kawahíg ng kawit ang mga pangil ng baboyramó? Iták na nasa palayán. Di po ba ginagawâng puluhán ng iták ang sungay ng kalabáw? Kayâ sinubok po naming manghuli ng kalabáw para katayin at tanggalán ng sungay. At ang espada ng karagatán. Di po ba tukâ yun ng malasugí? Kayâ nagsinsuro kamí ng malasugíng isdâ na mahabà at patusók ang tukâ na parang espada! Subalit nabigô kamí at napakadilím pa rin ng sanlibután.” Malungkót na ibinalitâ ni Bornók kay Nana Baliana ang mga pangyayari.
“Pangkawit nitóng gubat,
Sa palayán na iták,
Espada nitóng dagat…”
Paulit-ulit si Nana Baliana, tila nag-oorasyón. Tila bumibigkás ng isáng bugtóng.
“Alám ko na! Sumama ka sa akin Kuya Bornók. Lumabás tayo ng kuweba at alám ko ang gagawín! Nana Baliana, lalabás po muna kamí!” Masayáng sigáw ni Ogang. Tumangô lamang si Bornók at sumunód sa kumakandirít na si Ogang na may bitbít na sulô.
Matagál mang panahon ang lumipas, dahan-dahan ring sumilip ang liwanag sa panginorin. May sinag na tumamà sa gubat. May sinag na tumamà sa batis, sa bundók, sa kapatagan, sa talampás, sa lambák, sa buról! Dahan-dahan, hanggang tuluyan nang sumikat ang araw!
Lumabás sa yungib si Nana Baliana at nakita niyá ang napakaraming tao mulâ sa iba’t ibang tribo, nagsasama-sama at nagbabayanihán. May pangkát na nagpapa-apóy ng koprahan matapos magkawit ng niyóg, may pangkát na katatapos pa lamang umani ng palay at nagpapasiláb ng apá. May pangkát na namimingwít, pagkarami-raming mga bangkâ na may kanyá-kanyáng pailaw na sulô.
Ang pinagsama-sama niláng liwanág ang nagpalayas sa Halimaw ng Dilím! Pagsasaka, pagniniyóg at tamâng pangingisdâ ang mga sandatang gumapî sa Madilím na Mamaw!
Nagbubunyî ang mga tribo at buhát-buhát ni Bornók sa balikat si Ogang habang nagsasayá ang lahát. Umaawit silá:
“Pangkawit ng gubat ay gamit pangkopra!
Iták ng palayán, dahong-palay palá!
Espada ng dagat, bingwít walâng ibá!”
Sa di-kalayuan, nagmamasid si Nana Baliana. “Itó na ang ating kanlungan. Napagtantó mo ang tunay na sagot, Ogang. Magiging mahusay kang asog o kayâ pinunò. Napagtantó mong ang sipag, ang bayanihán, ang pagtataním, at ang pagmamahál sa kalikasan ang mga tunay na sandatang kaloob ni Gugurang upang palayasín ang anumáng dilím, takot at alinlangan.” Nakangitîng sambít nitó.
Kayâ mga batà takót pa ba kayó sa dilím? Handâ ba kayóng tanggapín ang mga sandata na tatalo sa Halimaw ng Dilím kung sakalìng itó ay magbalík upang mulîng lamunin ang liwanag?
(Saranggola Awards 2024 Entry)

http://www.culturalcenter.gov.ph

https://www.facebook.com/SaranggolaPH/

ARTIKULÓ UNO AT TUGMÂ’T SUKAT NG MGA GANÁP SA AYUNGIN SHOAL AT WEST PHILIPPINE SEA
November 10, 2024
Humingá ng malalim si Ariél Satam, ang mga barkó ng China Coast Guard, animo mga higanteng robot sa panginorin. Nakaabáng, nagbabadyâ, nagbabantâ. Iláng buwán na ring siyá at mga kapwâ niyáng mangingisdâ ay itinatabóy ng mga Tsino palayô sa Ayungin Shoal na isandaán at limáng milya lamang ang layò mulâng Palawan. Kanlungan ng mga yamang dagat at magíng ng mga Filipinong mangingisdâ simulâ pa ng kanyáng kaninuninunuan. Ultimong daungán kapág low tide at ang natatangìng lupaín na matatanáw sa pusod ng dagat ay hulagwáy ng malalayòng isla at karit na buwán.
Namumuô ang kanyáng plano: Hahamunin niyá ang mga dayuhan at makikipaghabulán. Siyá at ang kahoy niyáng bangkâ laban sa mga metál na barkó.
Tong tong patakas-takas,
Mangingisdâ sa dagat,
Makahuli’y ang hirap;
At Tsina’y nangangagát!
Marahil ay tila nga habulán, paikot-ikot na parang buhawi. Ginuguló ang payapang karagatán. Marahil ang mutawì sa bibíg at isip ng mga mangingisdâ ay katunóg ng batás na madalás ipatupád ni Henerál Luna noón: Ang Artikulo Uno.
Anó ang Artikulo Uno at anó nga ba ang magagawâ ng isáng makatà at manunulát na tulad ko kundî tulaán ang kakatwáng pangitaing itó habang akó ay nasa dalampasigan? Habulán ng kahoy at bakal sa laot. Ang pagtatabóy ng dayo sa may arì ng bakuran. “Pamana iyán ng nakaraang administrasyon!” Sigáw ng ibá habang nakaharáp sa telebisyón o hawak ang smart phone.
Nang si Hudas ay mag-Hudas,
Mga isla ay nalagas.
Ang Hague Ruling na sa patas,
Pinampunas ng kasilyas.
Marami ang tumataás ang presyón sa mga tagpô sa West Philippine Sea, ang kanlungan ng ating mga bahura at bakulihán. Katunayan, hindî lamang mga Filipinong mangingisdâ ang ipinagtatabuyan rito kundî magíng ang Philippine Coast Guard. Kumakailan, isáng tauhan ng Philippine Navy ang naputulan ng kanang hinlalakí nang sadyâng banggaín ng barko ng Tsina ang ating barko malapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Minsan naman ay pinapaliguan ng water canon ang ating mga sugò na wari mo’y mga magagasláw at mga pasawáy na aktibista o anarkista sa kalye. Aakalain mong may dambuhalâng paskíl ang Tsina sa karagatán na nagsasabíng:
Sarado.
Bawál pumasok o dumaán.
Siyám na gitlíng na linyá
ang kandado nitóng karagatán:
Mga bakal na naglalayág sa rabáw ng alon
At nasa amin ang susì.
Babalá.
Makiníg at huwág magpumilít.
Kung hindî ay kadenang hahampás
Sa inyó itóng laot.
At kayó’y mga dokumento’t papeles
Na matitigmák at mawawalan ng kabuluhán.
Mahigpít na ipinapatupád
Upang maiwasán ang di-pagkakaunawàan.
Dahil sa aming mga kamáy,
Hindî makaka-alpás maging ang tubig.
Dokumento’t papeles. May silbí nga ba ang 2016 Arbitral Award ng Hague? Bakit mukhâng balewalâ itó sa Tsina at sa mga taga-suporta nito?
Sa panig ng Tsina ay hayagan nitóng dinedeklará na ilegal ang posisyón ng Pilipinas sa West Philippine Sea kabilang na ang sa Ayungin Shoal. Hindî nitó kinikilala ang arbitral ruling. Itó ay sa kabilâ nang pagigíng kasapì nitó sa UN at pagpirmá o pagiging partido o signatory sa kasunduan o treaty na lumikhâ sa nasabing tribunal. Katunayan magíng ang mga apologist at troll farms nitó ay hayagang tinatawag na “fake ruling” ang 2016 Arbitration Award ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague at pilit binabalikô ang nilalamán ng nasabing award. Kesyo walâ namán raw talagá tayong territorial claim sa Ayungin Shoal at ibá pang mga isla at bahura sa West Philippine Sea, at ang totoóng sinasabi ng ruling ay ang Ayungin bilang “low tide elevation” ay hindî nakakalikhâ ng maritime entitlement ng territorial sea.
Territorial sea ay 12 miles,
Contiguous Zone, 24 miles,
EEZ ay 200 miles,
10-dash line ang pinangsukat.
Kung kayâ hindî tayo dapat magtaká sa patuloy na panggigipít ng Tsina sa ating mga mangingisda, coast guard at navy. Hindî tayo dapat magtakâ sa patuloy niláng paglikhâ ng mga isla artipisyál gamit man ay hiwagà o lakás.
Walâng d’yoses na naghubô,
Walâng bulkán na kumulô,
Walâng lindól na naglaró,
Tumubong pigsáng nanudyô.
Saan papasok ang Artikuló Uno? Heto: Ayon sa Artikulo Uno ng ating Saligang Batás (1987 Philippine Constitution), bahagì ng teritoryo ng Pilipinas ang mga sumusunod: 1. Buông kapuluán ng Pilipinas, magíng mga isla at katubigan, 2. Ibá pang teritoryong nasasakupan ng Pilipinas at nasa ilalim ng soberenya at hurisdiksiyón nitó, kabilang na ang sangkalupaán, sangkatubigán at himpapawíd nitó, 3. Teritoryong pangkaragatán kabilang na ang kailaliman nitó, 4. Mga katubigáng nakapalibot, nakapagitnâ at nagdurugtóng sa buông kapuluan, anupamán ang lawak at mga sukat ng mga itó.
Malinaw ayon sa atin kung anó at hanggáng saán ang ating teritoryo’t nasasakupan, subalit umiiral ba itó bilang prinsipyo ng batás sa ibang hurisdiksiyón at soberenya? Ang sagót dito ay hindî. Subalit bakit kailangang tiyakín natin ang ating teritoryo? Itó ay upáng ang mga mamamayáng Filipino ay magíng maláy sa kung anó ang nasasakupan ng estado at ng bansáng kaniláng binibigyán ng katapatan. Nakapagpapalakás itó sa konsepto natin ng soberenya at kalayaan.
Diwà’y sa alapaap,
Yakap-yakap ang dagat,
Sa lupà nakaapak.
Pumirmá ang Tsina sa UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Seas) noong 1984 at niratipiká nilá itó noóng 1996. At kung susundín lamang sana ang prinsipyo ng Pacta Sunt Servanda, isáng prinsipyo sa international law na malawakang tanggáp ng maraming bansâ o “generally accepted principle of International Law” na nagsasabing ang mga kasunduan o treaty ay buông pusòng yayakapin ng mga partido bilang isáng mabisa at epektibong kontrata, walâ sana dapat na angal ang Tsina sa Hague Arbitral Ruling. Malinaw kasí sa UNCLOS ang mga prinsipyo ng “territorial sea,” “straight baseline method,” “internal waters,” “right of innocent passage,” “archipelagic doctrine,” “contiguous zone,” “exclusive economic zone,” “freedom of navigation,” “naturally formed island,” “rock” at “low tide elevation.”
Sa Article 2 ng UNCLOS nakasaád na ang soberenya ng “coastal state” ay lumalampás sa kalupaán nitó at “internal waters” o katubigáng panloób nitó (lalo na kung itó ay isáng kapuluan o archipelago). Ang soberenyang itó ay hanggáng kalapít o katabíng dagat ng nasabing kalupaán. At ayon sa Article 3 ng UNCLOS ang teritoryong pangkaragatáng itó ay hanggáng 12 nautical miles. At ayon sa Article 7 ng UNCLOS ang lawak ng territorial sea ay sinusukat mulâng “low water line” ng kalupaán o mga isla sa pamamagitan ng “straight baseline method.” Kumbaga guguhit tayo ng likhâng linya upang pagdugtungín ang mga dulo ng kapuluáng Filipinas, at ang mga dulong itó dapat ay isaalang-alang pa ang nasabing “low water mark”. At ayon sa Article 8 at Article 47 ng UNCLOS, ang “landward side” o ang bahagìng patungong kalupaan na nakapaloob sa “straight baseline” ay ang “internal waters” o katubigáng panloób ng bansâ o coastal state. Bahagì itó ng teritoryo ng nasabing bansâ. At ang 12 nautical miles naman “seaward” o patungong karagatan ay bahagì rin ng teritoryo ng bansâ bilang “territorial sea” o teritoryong pangkaragatán. At sa “internal waters” at “territorial waters” parehong maaaring magkaloób ng “right of innocent passage” ang nasabing coastal state para sa ibáng mga bansâ.
“Go back to Philippines!” Sigáw ng tripulante ng China Coast Guard.
Pinaharurót ni Mang Arnél ang kanyáng bangkâ. Nakipagpatintero siyá sa mga mabibilís at malalakás na barko ng Tsina. Marahil ay pinagsigawan rin niya: “Artikuló Uno! Filipinas itó, nek nek ninyó!”
Subalit nitóng mga hulíng araw ay mas nagíng mapusók ang Tsina. Bagamán at walâ ngang basehán sa “generally accepted principles of International Law” ang 9-dash line na batayán kunó ng Tsina ng kaniláng karapatán sa West Philippine Sea, kakatwáng nagíng 10-dash line pa itó. At tuluyan pang namihasà sa pambobomba ng water canon at pagsasagawâ ng mga delikadong maneobra at sadyâng pambubundól ang mga tauhan ng Tsina. Nitó nga lang Hunyo 2024, ang ilán sa kanilá ay may mga pamalò, sinaktán nilá ang mga tauhan ng Philippine Navy. At di pa nakuntento, kinumpiská pa ng mga Tsino ang mga bag at baríl ng ating mga hukbô na magsasagawâ sana ng resupply mission sa BRP Sierra Madre. At gaya nga ng nabanggit na, sa insidente ring itó naputulan ng kanang hinlalakí ang isá sa ating Navy personnel.
“This is the Philippines, this is not China!” Sagót ng Philippine Navy habang iwinawagaywáy marahil ang bandilà ng Pilipinas at kaniláng mga kamáy bagamá’t kulang na ng isáng dalirì. Sa totoo lamang, ang mga tagpông tulad nitó ang isáng dahilán kung kayâ nangangambá ang iláng mamamayáng Filipino na maaarì tayong mapasubò sa isáng digmaan.
Pag napuntáng Spratlys,
Pundahan o bangkulis,
Torpedong sumisirit.
Teritoryo ang isyu sa unang riníg. At madalás mauwî sa dahás kapág teritoryo ang pinag-uusapan. Magkakadugô nga ay nagsasanduguán kapág usapín sa lupâ ang bangayán. Lupà pa kayâng dinilíg ng dugô ng ating mga bayani? Subalit usapíng teritoryo nga lang ba talaga ang sa Ayungin Shoal at West Philippine Sea?
Ang “Contiguous Zone” ayon sa Article 33 ng UNCLOS ay 24 nautical miles mulâng baseline ng territorial sea o teritoryong pangkaragatán. Subalit ang tanóng, itó ba ay bahagì ng teritoryo ng coastal state? Ang sagót ay hindî. Ang nasabing coastal state ay mayroón lamang podér na itaguyod ang FICS o kayâ ang fiscal, immigration, customs at sanitary laws na naaangkóp at umiiral. Dagdág pa rito ay may kapangyarihan rin itóng parusahan ang sino mang lalabág sa mga nasabing batás at regulasyón. Sa kabilâ ng mga nasambít, hindî maaaring ituring na teritoryo ng nasabing coastal state ang contiguous zone.
Ang “Exclusive Economic Zone” namán o EEZ ay hindî lalampás sa 200 nautical miles mulâng baseline ng territorial sea ayon sa Article 55-58 ng UNCLOS. At tulad ng contiguous zone, itó rin ay hindî rin bahagì o sakop ng teritoryo ng coastal state bagamán at mayroón itóng karapatán, hurisdiksiyón at tungkuling: 1. siyasatin, gamitin, panatilihin at isaayos ang kalikasang pandagat sa lugár, 2. maglagáy ng mga isláng artipisyál at magtayô ng mga estruktura, 3. saliksikín ang aghám sa likód ng mga yamang dagat sa lugár, at 3. protektahan at pangalagaan ang kapaligiráng pandagat ng nasabing exclusive economic zone o EEZ.
Sa kabilâ ng mga karapatán, tungkulin at hurisdiksiyóng itó ng coastal state, pinagkalooban namán ng UNCLOS ang ibáng mga bansâ ng “Freedom of Navigation” (Kalayaang Maglayág), “Overflight” (Kalayaang Sumahimpapawíd) at ng karapatáng maglatag ng tubo o “Submarine Pipelines” sa ilalim ng nasabing EEZ. Kailangan lamang na igalang ng mga nakikiraán ang mga karapatán at tungkulin ng coastal state.
Nagsa-pluma aking bangkâ.
Sa daluyong nilalagdâ
Ang titulo nitóng bansâ.
Ang Tsina man ay magbantâ.
Subalit kung may smartphone lamang si Mang Arnél at sagap niyá ang 5G wifi ng Tsina habang nasa laot, mas higit siguro siyáng magiging hilóng talelong sa pakikipagbardagulan sa mga troll farm ng Tsina kesa sa pakikipagpatintero sa mga barkó nitó. Mahuhusay ang mga troll at kung walâ kang alám sa pagbabasá ng jurisprudence o mga desisyón ng korte at tribunal, ikáw ay malalansí nilá. Halimbawâ, madalás niláng ipambala bilang argumento na hindî natin teritoryo ang Ayungin shoal at tamà nga namán silá. At bilang “low tide elevation” hindî raw nakakalikhâ ng “maritime entitlement” o karapatáng pandagat ang Ayungin. Di raw ito nakakalikhâ ng territorial sea, EEZ at continental shelf. At sa mulî, tamà nga namán silá.
Kung ang UNCLOS ay maalat
At nakasulat sa dagat,
Talinghagà’y ipamalas
Sa isáng protestang patas.
May halagá ang “diplomatic protest” upang hindî umiral laban sa Filipinas ang prinsipyo ng estoppel. Iyón bagáng nakikità mo nang harap-harapang may kamalian at paglabág laban sa iyóng interes at karapatán subalit hindî ka lamang umiimík o gumagawâ ng anumang hakbáng upang tutulan itó. Sa estoppel, tinitingnán itó ng batás bilang isáng urì ng pagpayag at pagsang-ayon mulà sa iyó. Kung kayâ sa susunod na mulîng gawín ang nasabing mga kamalian o paglabág, ikáw na ngayón ang pagbabawalán ng batás na tutulan itó. Bakit kanyo? Estopped ka na kasí.
Itó ang dahilán kung bakit ang ating mga sugò ay mayâ’t mayâ kung maghain ng “diplomatic protest” sa international tribunal kapág may kabulastugáng ginagawâ ang Tsina. Ayaw nating magíng estopped.
Makatà ay pumagitnâ,
Ikinasá ang salitâ,
At nagrapidó ng tulâ,
Ang digmâ ay natulalâ!
Kung tutuusín ay pinairal lamang ng Hague ang UNCLOS sa 2016 Arbitral Award. Sakop ng “Archipelagic Doctrine” ang Filipinas ayon nga sa Article 46 ng UNCLOS dahil tayo nga ay isáng kapuluán na ayon na rin sa Artikuló Uno ng ating Konstitusyón ay may mga katubigáng nakapalibot, nakapagitnâ at nagdurugtóng sa buóng kapuluan. At ang mga kapuluáng itó ay may likás na kaakuháng heyograpikál, ekonomikál at pulitikál ayon na rin sa kasaysayan nitó.
At ayon rin sa Article 121 ng UNCLOS ang isáng “naturally formed island capable of sustaining human habitation on its own” ay nakakalikhâ ng 200 nautical miles na “maritime entitlement” o simulà territorial water hanggáng EEZ. Ang isáng “rock” o bató namán na “incapable of sustaining human habitation on its own” ay nakakalikhâ ng 12 nautical miles maritime entitlement o territorial sea. Samantalàng ang isáng “low tide elevation incapable of sustaining human habitation on its own” na nawawalâ sa paningín kapág “high tide” ay walâ nga namáng nalikikhâng maritime entitlement at itinuturing ng batás bilang “continental shelf” lamang ng coastal state kapág itó ay pasók sa 200 nautical mile EEZ. Hindî nga namán itó teritoryo at hindî ni minsang magigíng paksâ o bahagì ng isáng hidwaang teritoryal o “territorial dispute.”
Kung gayón, dahil ang Pilipinas ay isáng kapuluan o archipelago, ang Ayungin Shoal ay swak na swak bilang bahagî ng ating EEZ o Exclusive Economic Zone. Itó ay dahil na rin sa isandaán at limáng milya o 105 nautical miles lamang ang layó nitó mulâ sa isla ng Palawan na isáng “naturally formed island capable of sustaining human habitation on its own” at nakalilikhâ ng maritime entitlement na hanggáng 200 nautical miles. Itó ay malinaw na nasa EEZ ng Filipinas at walâng “overlap” sa ibá pang bansâ lalo na sa Tsina na 2722 nautical miles ang layò.
At ayon sa Hague, base sa aghám pandagat, ang Ayungin ay isáng “low tide elevation.” Anó ang ibig sabihin nitó? Una, walâ itóng nalilikhâng maritime entitlement. Pangalawá, itó ay isáng “continental shelf.” Pangatló, continental shelf itó ng Filipinas at pasók itó sa ating EEZ. Samakatwíd, iiral ang Article 55-58 ng UNCLOS pabór sa Filipinas bilang coastal state at ang karapatan lamang ng Tsina rito ay “freedom of navigation, overflight at laying of submarine pipelines” at walâ siláng karapatán sa “sovereignty patrol.” Walâ siláng karapatáng bakuran itó at ipagtabuyán tayo rito.
Hindî natin teritoryo ang Ayungin Shoal, Subalit hindî rin itó teritoryo ng Tsina. Sa halíp ay bahagì itó ng ating EEZ at hindî ng Tsina na napakalayò namán talagá. At ayon pa sa Hague, mayroóng “Principle of Land Dominating the Sea.” Atin ang kalupaán at kapuluán. Atin ang pinakamalapit na “naturally formed island,” ang Palawan. Kung kayâ tayo ang may karapatáng pandagat sa Ayungin Shoal.
Mahusay nga namán manlasî ang mga troll. “Low tide elevation” nga namán ang Ayungin at walâng nalilikhâng territorial sea, contiguous zone at exclusive economic zone. Hindî nga namán maaaring akuin itó bilang teritoryo dahil walâ itó sa loób ng ating territorial sea at “naturally formed islands” at mga “rock” o bató lamang ang nakalilikhâ ng territorial sea (at sa kaso nga ng naturally formed island, hanggâng EEZ pa ang maritime entitlement), subalit heto namán ang sagót natin sa kanila: ang Ayungin Shoal namán ay 105 nautical miles lamang ang layò mulâng Palawan kung kayâ bahagì ng ating Exclusive Economic Zone.
Marahil ay patuloy na pinaharurot ni Mang Arnél ang kanyáng bangkâ. Ang Ayungin ay kanlungan niyá at ng mga kasamaháng mangingisdâ simulâ pagkabatà. Teritoryo nilá itó, Artikuló Uno! Walâ nang pasikot-sikot at kumplikasyón ng mga batás. Walâng sinumang troll ang sisirà ng kanyáng araw at diskarte. Bastá siyá na isáng Filipino, ang may karapatán at magtataguyod at magsisilbíng tanod ng hukluban at antigong karapatáng itó na naayon pa sa batás. Isisigáw niyá marahil sa paraáng halos katunóg at katinig ni Balagtás: “Itó ang aking dagat, ang aking bakuran! Putulin man ang sampú ng aking mga daliri, waláng makakaburá rito ng aking bakás at iyán ang batás!”
At hindî ba’t siyá ang mangingisdâng nagsabing: “Kung matigás-tigás lang ang bangkâ ko, babanggaín ko rin silá”?
Kayâ para kay Mang Arnél Satam at ibá pang mangingisdâng katulad niya nabubuhay at umiiral ang Artikuló Uno ng ating lipunan at estado. Marapat lamang dahil ang Konstitusyón ay isáng “social contract” o kasunduang batás ng lipunan at ng estado, batás para sa mga lider at mamamayán na nagsisilbíng baluti ng proteksiyón para sa lahát sa panahón mang may digmâ o sa panahóng mang payapà. Lalung-lalo na at tayo ay isáng republikang demokratikó kung saán ang kapangyarihan ng estado ay ang kapangyarihang ipinahihirám lamáng ng mga mamamayán.
At sa panahóng pulá ang nasa ibabaw ng asúl sa ating bandilà, tayo rin lang namán na mga mamamayán, tulad ni Mang Arnél ang tatawagin upang ipagtanggól ang ating teritoryo sa ilalim ng prinsipyo ng “posse comitatus”. Bawál man tayong magpasimulâ ng kahit anóng giyera, pinahihintulutan namán tayo ng Saligang Batás (Article 2 Section 4) at ng United Nations Charter (Article 51) na depensahan ang ating sarili. Artikuló Uno laban sa mananakop. International law laban sa lakás at dahás ng unilateralism. Sapagka’t kung mabibigô ang “generally accepted principles of international law,” ang batás ng dahás ang masusunód. At kung hindî maitataguyod ng pamahalaán ang ating mga karapatán, marahil ay marami pang tulad ni Mang Arnél ang iigpáw para harapín ang hamon.
MANGINGISDÂ
Ipoipo sa iyóng kamáy
Sa buhanginán, sa may alon,
Sa iyóng dibdíb at pag-iral–
Lakás mo ba ay bumabalong
Dahil sa tagláy mong prinsipyo
O sa paninindigang likás,
Na kasinlakás ng pagbayó
Ng alon sa bangkâ mo’t lambát?
Sa kamáy mo ay uliulí
Naghuhunós bilang sandata.
Wari’y tukâ ng malasugí
Na palagiang dalá-dala.
Nakahandâ, ipararamdám
Sa kabaka kapág may digmâ.
O Mangingisdâ, dahil bakal
Ang ‘yong mga makakabanggâ,
Kaaway ay dapat lansihín:
Alimpuyó kang di-mahabol,
Sa bakuran, laot, baybayin;
Hindîng-hindî ka pasusukól.
(Para Kay Arnél Satam at ibá pang katulad niyá)
*Saranggola Awards 2024 Entry

http://www.culturalcenter.gov.ph

https://www.facebook.com/SaranggolaPH


KASÁL ELEMENTÁL AT IBA PANG KANLUNGAN NG HALAGÁ, DAHÁS AT PAG-IBIG
November 10, 2024
ANG ALAMÁT NG PERA
“Batà-batutà
‘Sang perang mutâ!”
Nang bagito ang daigdíg,
May lumapág na bituín.
Sa lagabláb may pumuslít
Na kakatwáng panauhin.
Ang ngalan nyá’y Oro Plata,
Ang damít nyá’y kumikintáb.
Mulâ raw syá sa planetang
Gintô’t pilak ay nagkalat.
Kanyá nga raw itong araw,
Pati buwán, mga talà.
Katutubò’y naghihiyáw
Sa paghangà’t pagkabiglâ.
At si Oro ay nagsabing
“Walâ akóng pamba-barter.
Ngunit buwán ba ay pwedé
Na kapalít ay pagkain?”
Buông tribo’y nag-abalá,
Bawat binhî’y isinabóy.
Bawat lupà ay sinaka,
Bawat bukid ay sumibol.
Nang si Oro ay inantók,
Humihikáb na nagwikà:
“Kapág akó’y matutulog,
Saán akó hihilatà?”
Bawat tao nagíng masón,
Bawat tao ay nagpandáy.
Naging lungsód itóng nayon:
Bahay, gusalì at tuláy.
At si Oro’y nagpariníg:
“Sinong aking mayayakap
Kapág gabí ay malamíg?”
Sabáy ngisi, sabáy kindát.
Isáng kalye ang pumulá,
Kumikináng, lumalamlám.
May maharót na musika’t
Mga dilág, sumasayáw.
Oro Plata ay gumising,
Tila nais na maglakbáy.
Pagkaligo ay humilíng:
“Gawâ kayó ng sasakyán!”
Ang pabrika ay umugong,
Ang lahát ay inhinyero,
Ang langís ay pinag-apóy,
At umandár itóng mundó.
Ngunít sa lahát ay lingíd,
Oro Plata ay may lihim.
Hugis talà nyang spaceship,
Panginorin, liliparin.
Oro Plata ay naglahò,
Walâng babay ni ha, ni ho.
Dalá lahát patí barò,
Nag-iwan lang ng sampiso.
At sinurì nitóng pantás
Ang sampisong tila buwán–
Buwáng bilóg, buwáng pilak,
Kapág gabí ay mapanglaw.
Kayâ’t agád na hinugis,
Gintô’t pilak nitóng mundó;
Bilang pera na pambuwís,
Na pambayad, pang-negosyo.
Ngunít tao’y nag-ambisyón
Na ang buwán ay liparín.
“Bakâ milyón ang naroón,
Limpák-limpák ating kunin!”
Ang spaceship ay lumipád,
Ni walâ nang hintáy-hintáy.
Nang lumapág silá’y gulát:
Walâng búhay itóng buwán!
Oro Plata ay walâ rin,
Walâng hangin, batis, bukid.
Nang makiná’y paandarín,
Ang spaceship ay malamíg…
Bago kitlán ng hiningá,
Itóng pantás, sumigáw pa:
“Ay! Ang gintô, pilak, pera,
Sa buwán, walâng halagá!”
ANTÍNG-ANTÍNG NI LOLO PULÀ
I. Ang Duelo
Isáng bukol ang simulâ
Nitóng kwentó kong patulâ.
Sa ensayo akó’y plakdâ
Sa arnís ni Lolo Pulà.
“O kaya mo pa ba Nonoy?”
Nakangitî niyáng tanóng.
Akó namán ay talelong
Na tumangông parang pagóng.
“Di ba sabi ko ang arnís
Di basta-basta sa paslít,
Titiisín mo’y hagupít;
Papawisan patí singit?”
Nang kamí’y balík-ensayo
Ay may dumatíng na kalbó.
Siyá’y arnisadór kunó,
Ngunít ang hanap ay guló!
“Hinahamon kitá tandâ!
Ikáw ba ay nakahandâ
Na buhay mo ay itayâ,
Ginunting ang itatagâ?”
Ang matapang niyáng sigáw.
Tumatalsík pa ang laway.
At ang dilà’y nakasampáy
Sa bibíg n’yang puro singaw.
“Aba’y magdahan-dahan ka…
Hinamon mo’y matandâ na.
Isá lang na magsasaká
Na kailanga’y pahinga.”
Si Lolo Pulà’y sumagót
Na ulo ay kinakamot.
At ang kamáy pa’y inabót
Upang matapos ang gusót.
“Ay! Ikáw raw rito’y gurô,
Arnís ang itinuturò.
Akó ay di-nagbibirô,
Itó’y usapang matinô!”
Kalbóng dayo ay tumugón,
Walâng kahina-hinahon.
Ginuntíng pa’y pinamputol
Ng mga sanga at dahon.
“Sige kung iká’y mapilit.
Lalabanan kitá saglít.
‘Wag ka sanang magagalit
Kung kahoy ang aking gamit.”
Lolo Pulà ay pumorma
Na ang napilìng sandata
Ay ang napulot na sangá
Kayâ’t dayo ay natawá.
“Hindî ka lang palá lolo,
Di lang sandipá sa nitso,
Di lang ngipin ay pustiso,
Ikáw palá ay komikó!”
At agád siláng nagharáp.
Naggiriáng magkatapát
Na kahoy laban sa iták.
Ang pawis ko ay tagakták!
Lolo Pulà’y may inusál,
Tila orasyon o dasál.
Binibigkás sa kaaway
Nang pabulóng at mahinay.
Ang kalbó ay natulalâ.
Tila nablangko ang mukhá,
At napasugod na biglâ;
Umatake at tumagâ.
Lolo Pulà’y dumepensa
Sa Cimarron ang taktika,
Parang umiwas sa bala;
Katawán ay pinatipyá!
At kahoy ang pinangsanggâ
Sa talím na rumagasà,
Sangáng natapyás, nahasà;
Tinusok n’ya sa kabanggâ!
Ang kalbó ay tumimbuwáng
Ginuntíng ay nabitawan.
Siyá’y aming nilapitan
Upang siyá ay tulungan.
Duguán ang kalbóng hambóg
At sa bodega natusok.
Kala namin, matitigók
Dahil walâng igagamót.
Lolo Pulà ay nagbalík,
Dala’y sungay na kiniskís
Sakâ dahon na dinikdík
At nanggamót na tahimik.
Sya’y nagwikà di-nagtagál
Na ang sungay ng kalabáw,
Pag duróg nang ipantapal,
Naaampát ang duguán.
Si kalbó ay inuwî na
Kahit walâng ambulansya.
Di-nagsumbóng sa pulisyá.
Bakâ tawagin syang tangá.
II. Ang Lobós
Lolo Pulà’y nagpatuloy
Sa paggawâ ng patibóng,
Sa pagsaka, pangangahoy,
Paglalakó ng panggatong.
Si Lolo Pulà ‘sang araw,
Pagkatapos ng pagsiráw,
Ay nagtanghál nitóng ritwál
Sa pusod ng kagubatan.
Sinundán ko nang palihím.
Dalá niyá’y tiningnán rin:
Langís, baboy-ramóng pangil,
May panulat sakâ papél.
Si Lolo Pulà’y sumulat
Naupò sa batóng biták
Pinakinggán itóng gubat
Ang alis-ís ang pagakpák!
At biglâ syang napatayô,
Sumayáw nang walâng hintô,
Sa ibon nakipaglarò;
Sakâ niyakap ang punò.
Ang langís ay inihaplás,
Ang pangil ay ikinwintás,
Ang iták ay winasiwas,
At malakás na binigkás:
“O kadlagán, ining lobós (O kagubatan ang ritwál)
Sakuyà na idadadagos (Itutulóy, itatanghál)
Bakông aswáng an pagma’wót (Adhikai’y di sa aswáng)
Kundî sa balianang isog! (Kundî’y balianang matapang!)
An sa kadlagan maglupig, (Ang sa gubat ay gumahis)
An taróm ko an ma-usig. (Ang talím ko ang uusig)
Sa tuktók man kaning langit, (Sa tuktók man nitong langit)
Sa irarom man kan tubig!” (Sa ilalim man ng tubig!)
Pagkatapos nyang bigkasín
Ang orasyóng may tagintíng,
Tumigil sya at tumingín
Sa matá kong nandilat din.
“Alám ko Noy nariyán ka,
Alam ko na kanina pa.
Sa’yo ba ipamamana
Ang ritwal na sa baliana?”
Tanóng niyáng nandidilát
Sa punò pa’y nakayakap
Sundáng pa ay hawak-hawak.
“Ay! Akin pong tinatanggap
Agimat mo’t antíng-antíng
Patí iták mong matalim!”
Ang tugón kong tila lasíng
At sa tuwâ ay tatamblíng.
“Ay nakó, dyaské, damuho!
Ano ba’t ang batang itó,
Wari’y hindî natututo.
Mabubuhay pa ko, Iho!”
Nababanás niyáng banát
At pabulóng na dinagdág:
“At ang nais mong agimat:
Ang kalikasan, ang gubat.
At antíng-antíng mong gustó:
Ay talinghagà at berso,
Tugma’t sukat na eksakto;
Himig at tinig na pino.
Agimat ay kalikasan,
Antíng-antíng ay saknungan,
Mga alamát, dugsungan;
Tigsikan at panulaan!”
“Tulâ ang tunay na baság?”
Ang mukhâ ko’y sumisinag.
“At ang inyóng ibinigkás
Dun sa kalbóng nag-aangás?”
Tanóng ko pang tila bitín.
“Winikà ko’y bugtóng lang rin:
Hindî mo kayang sawayín,
Sa misis mo’y sumiping rin.”
Tugón ng matandâng pantás
Matá pa nya’y kumikintáb
Ang dunong nya’y kasintalas
Ng sundáng nyang hawak-hawak.
“Sanggol! Sagót kong binató
Sa matalino kong lolo.
Tumingin sya sa matá ko:
“Sagót ng kalbó’y si Pedro.”
KASÁL ELEMENTÁL
Heto at narito tayo sa balikat ng huklubang Isaróg.
Nanunuláy sa kanyáng mga pilapil at alamát,
nakikipagsayáw sa kanyáng simoy at salaysáy.
Hayan nga’t ginagaya ng iyóng mahabang buhók
ang pagsayáw ng kanyáng mga dahong-palay,
warî’y nag-aanyayà at nagpapa-alala
na tayo ay manatili sa lawak
ng kaparangan na nananahan sa ating dibdíb.
Ang totoó, wala namán talagáng nalimot.
Dumadaloy na bukál sa ating kalamnán ang tubig.
Tiyák itó, ayon na nga sa mga siyentipiko.
Subalit ang hindi nila nabanggít
ay ang sabay na pag-agos nito sa alaala
ng mga ilog at batis ng ating kaluluwá,
mga danas mulâng sinapupunan hanggáng kinagisnán.
Sa di-kalayuan ay ang batis na mataimtím
na nakikipagtalamitam sa mga bató.
Hindi ba’t parang kailán lamang,
nilakbáy ng iyóng musmós na pamangkín
ang mga mumuntíng batóng isláng naroón
upang gawíng biták-biták na bató
ang mga pulô ng Pilipinas?
At nalaglág siyá sa kanyáng ulap
nang matapos tumalón sa gabiták na pulô,
dumulás at dumagán sa kanyang dibdíb
ang wakás ng daigdíg
bilang isang dambuhalà at huklubang bató?
Kanina lamang ay nanaghóy kasama
ng hangin ang iyóng tinig at marahang
dumatal sa rabáw ng alumpihit na tubig.
Kaya nga’t heto at isda akong lumalangoy
kasama ang iyóng hiningá at salaysáy.
Dito, kung saán kaulayaw ng mga bituín
ang mga gamugamó at malayò, mapangláw
at umiilaw na sugat ang lungsód sa pisngí
ng kapatagan sa dakong ibabâ,
magkaniíg ang ating hiningá at ulirát
at tayo ay iisá habang matapang kong ibubulalás
at isisigáw upang marinig ng mga elementál at diwata:
Ika’y aking iniibig!
Marahil ay tumatangô-tangô silá at natatawá
sa akin na isáng tila lasíng na makatà, nakayakap sa iyó
at pilit na hinahabol ng hiningá ang hangin upang sabihin
ang hindî na dapat sabihin at hindîng-hindî masasabi sa poók
na itó kung saán koro ang bundók, ang hangin, ang pilapil,
ang batis, ang mga ibon, ang mga dahong-palay, at ang gabí:
Tayong dalawá,
sa gitnâ ng lahát!
Totoó, hindî tayo nag-iisá sa atíng elementál na kasál
(Sinasabing walang kasál na pribado at sekreto)
dahil dito sa gitnâ ng pilapil at palayán,
nakabantáy ang nakasarong na sundáng
ng huklubang Isaróg. Wari’y babalá
sa makatâng hagbayon na tulad ko
upang huwág makalimot sa pangakò.
Kung tutuusín, dapat ay mainit na lava
ang pagbatì sa akin ng matandâng bundók.
Lalo’t ngayóng hinihingì ko ang kamáy
ng kanyáng daragang magayón.
Hindî lingíd ang alamát:
Sinasabing noóng mga unang araw
nagíng masugid at magkaribál na manliligaw
siná Isaróg at Asog sa pusò ni Mayóng.
(At nagmulâ ang aking musmós na yapák,
sa paanán ni Asog, sa matalinghagàng Iragâ).
Sadyâng matulain kung umibig si Asog,
walâng panamà ang tarikáng si Isaróg
na mas bihasâ sa mga sundâng at sumbilíng.
(Samantalàng may sa patibóng ang bitík na dilà ni Asog.)
Isáng araw, nang magkaulayaw sa iisáng ulap
siná Asog at Mayóng, hinawì ito ni Isaróg
at tuluyang tinagà ang dibdíb ni Asog.
Lumayông lumuluhà si Mayóng,
hindî na mulîng umibig, nagíng mailáp
at madalás nakatagò sa ulap,
upang mag-apóy sa panaghóy
sa iláng mga pagkakataóng dalá ng hangin
ang alaala ng isáng binatàng may rosas ang bibíg.
Kung ipakita man nitó ang kagandahan
itó ay para bitinin ang pusò at pusón ni Isaróg
na ngayón ay isá nang tahanan
ng baít at batis ng kalikasan.
At akó, na nagmulà sa biák na bundók Asog,
ay umiibig sa iyó, daragang magayón ng Pili.
Saksí ko si Isaróg at ang kanyáng sundáng, tagâ sa bató!
Matatawá ka at babatukan ako, hangál
wari mo—tangá ang talinghagà sa panahon ng digmâ.
Oo nga namán, paralumang pandigmâ kitá kung ituring.
Ikáw na talím ng aking katana, ang huwisyo ng aking tudlâ.
Ikáw na matá ng aking matá, pandiníg ng aking natulig na baít.
Totoó, naglipana ang nagpapanggáp na kaibigan
na matapos yumakap ay itatarák sa aking likód ang iták.
Subalit nariyán ka, nariyán ka upang lituhín ang kanilang mithî,
nariyán ka upang lutuin ang kaniláng budhî—
ikáw na marikít na kalaság sa mga naglipanang taksíl.
Hayán nga’t nilalakaran natin ang pilapil na marahil
ay tinutulay rin ng mga puláng mandirigmâ pagsapit ng dilím.
Natatanáw rin natin ang mga gulód at bundók na nagtatagò
ng kaniláng mga bakás na ayon na rin sa mga sabi-sabi
ay gumuguhit mulâng Sorgosón hanggáng Gitnâng Luzón
(Ang masíd lang natin ay ang ruta ng Banasi hanggáng Pili).
Dito, kung saán tayo nakahimpíl, ang pusò ay hugis kamaó,
At nasok ang ulós sa yungib ng daigdíg ng baít.
Pumasok ang ulós sa yungib ng daigdíg ng baít.
Sa panahón ng digmâ, mas mainam daw kung walâng kabiyák.
Walâng tamís, kung kayâ’t walâ ring paít ng pagkabiyák
kung baság ang gabí at kailangang lumakad sa dilím.
Subalit ako si Sarikaw, mangangasong nanigás
sa pagkakatitig sa iyó. Wagás, walâng wakás
na pagkakatitig sa oras na hindî lumilipas.
Hindi ba’t noóng makalawá, nagíng mabilís
ang iyóng paghakbáng sa mga pilapil,
mga bihasâng paghakbáng, sanáy na sanáy.
Hindî ko nasundán ang iyóng paglikò,
Hindî ko nasundán ang lupàng tinuláy mo.
Naiwan akóng tulirô sa gitnâ
ng kawaláng direksiyón. Walâng-walâ
sa lupaíng kinagisnán mo. Patawad,
kung nagawâ kong tumalikod
at lumakad papalayô,
kalimutan ang mga tandâ
at hintuturô ng panakot-uwák
(O bakâ akó ang panakot-uwák).
Ala-kristong nanigás sa krus na landás.
O gaya nga ng nasabi—Sarikaw.
Taga-lungsód na nangahás na mangaso
sa isáng iláng at liblíb na tunggalî,
naliligáw sa mga nagsasangáng pilapil.
Mangangasong nagíng asong sumusunód sa iyó—
Akó’y iyóng asó.
At labis ang iyóng pag-ibig sa mga asó.
Heto ngâ’t kanina pa nakasunód sa atin
ang isá sa mga bantáy ng inyóng parang.
Alám niyá marahil ang iyóng kabaitan
pagdatíng sa kaniláng urî. Hindî ba’t suplíng
niyá ang tutàng may talà sa noó?
Tinawag natin siyáng “Budoy.”
kaibigang pinapahimpíl ko magíng sa mesa
ng aking pagkakahumaling sa mga batás:
Budoy, budoy, what is the case of, what is the case of…
Marahil ay nasa isip ng kawawàng tutà
ang asong pinatáy upang sairín ang dugò
at gamiting pintá ng Ináng Peñafrancia.
Matapos itapon sa Bikóng Ilog
ay kakatwáng nabuhay at lumangóy
tungong pampáng.
Ang pag-ibig ay hindî pag-aalagà ng tutà.
Ayon na nga sa dunong ng penomenolohiya.
Walâng dapat sundán, walâng dapat sundín
kundî ang kalatás ng kalawakan
na bubukál ang dapat bumukál,
na sisibol ang dapat sumibol. Batás itó.
Batás na naaayon sa naaayon
hindî nga pag-aalagà ng tutà, sa halíp
ay ang pananalig ng asong sinaíd ang dugô
ng kanyáng iniibig na amo upang kulayan
ng linyár na pag-iral ng Banál na Birhén
upang baliin ang batás ng kalikasan
at mulîng mabuhay ang ilog
sa kanyáng masunuring pusò.
Aking iniibig, uulitin ko:
Akó’y iyóng aso.
Kayâ lumakad katá, sundán ang pilapil ng pag-ibig.
Matapos magniíg ang mga pangakò sa gitna ng palayán
at matapos sumanib sa simoy upang dumaloy
sa alaala ng mga elementál o mag-iwan ng bakás
sa makasaysayang poók na itó.
Halika at umagos tayo sa ilog ng ating dibdíb,
sa iisáng bukál,
sa iisáng salaysáy,
sa iisáng alamát.
(Saranggola Awards 2024 Entry)


https://www.facebook.com/SaranggolaPH/

ON THIS SIDE OF WHAT IS NOT THOUGHT OF
October 17, 2024
there is a need to be here. Like sound
unheard at the top of the hill when clocks
kill another universe being lived in sleep.
So I ride here with manageable speed
only to leave behind another thought.
From one bubble to pierce another
just to be away and near at the same
time and place. Brace myself for impact
as the motorcycle splits time and space
into saddle and throttle. Just to know
I have arrived to the very place I left behind.






Pintigan at Santo Warrio with Roe Santos
October 16, 2024
COMPANION
October 16, 2024
Selebrasyon
October 16, 2024
The fruits of my long ride: nice spots, friends visited, new blades, and this book. Got three copies for my archive, more so that I have two poems here. This book was recently reviewed by National Artist for Literature Rio Alma which caused quite a stir in the community. Glad to be part of what I think were two of the tougher poetry challenges back then: “Para kay Rio” and “Pagpupugay kay Huseng Batute.” I obviously did not want to dedicate bad poems to two great poets. So here 🙂









HOMECOMING
October 16, 2024
“It is better to be a warrior in a garden, than a gardener in a war.”– Miyamoto Musashi
My fear is to be sent back like sunflowers too dry for being in a dark box under the sun,
or roses torn by floods and storms; the bus
conductor oblivious of the stops. Should I
stop or alight from this impending war like
a student going home for vacation? Should I
turn back and risk getting shot or jailed, posse
comitatus the news of the day? I look
at the gardens along the way and remember
how I chose the petals over the thorns, how
I escaped from the strikes and poses. Alas…
The garden has turned into a war zone, bullets
fly like insects forcing gardeners to ripen into
warriors to die the first day. So I say goodbye,
farewell to the warrior in the garden. “So long
to my roots and father I abandoned, I denied!”
Will I be sent back, ignored by the time I wasted? The city is gone and the wind a lot
colder as cold as my rifle. No yellow ribbons
for a yellow son who is about grow knives.




