BANGKÁY SA BATIS
November 11, 2024
“Akó itó a!” Titíg na titíg si Jesús Buntáng sa bangkáy na nasa ilalim ng batis. Napahawák siyá sa kanyáng minasbád na iták.
Tila salamín ang pulidong daloy ng dalisay na tubig. At sa ilalim nitó ay siyá. Siyá na nakabuká ang bibíg at nakataás ang dalawáng kamáy na tila sumusukò o hinoholdap. Butás-butás ang damit–marahil sa tamà ng bala o undáy ng saksák. At titíg na titíg din sa kanyá.
Bumukál ang malamíg na pawis sa kanyáng kalamnán tulad ng batis na kumukumot sa bangkáy na nasa kanyáng haráp. Mas lumapit pa siyá sa nakahandusay na katawán at nagpalingà-lingà pa. Lehitimóng patáy nga itó sa isáng karaniwang araw na gayá nitó. Ilalawig lamang niyá ang kalabáw sa lilim, sa bahagìng iyón ng kakahuyán na nasa ilalim ng tuláy at tinutuhog ng highway na nasa itaás.
Mulî siyáng nakipagtitigán sa bangkáy. Siyá nga itó, siyá at ang mga matá ng kanyáng amá. Ang kanyáng amá na kalilibíng pa lamang.
“Lamáng lagì ang engkargado Jesús. Tayo ang nakatirá sa lupà kayâ tayo ang mas mauuná sa mga niyóg at ibá pang gusi o ani. Di natin dapat ipapaalám kay Pay Unyô na nagsimulâ na tayong magkopra, at dito tayo sa lihim nating hagunan o koprahan.” Sabi ng kanyang amáng si Max Buntáng.
Nagmamadalî siláng mag-ama sa pagpaláw o pagtalóp sa mga niyóg at bakâ biglâng bumisita si Pay Unyô. “Mabuti na ang sigurado, kahit hindî niyá lupà ang bahagìng itó, abá e, malay natin makahalatâ.” Dagdág nitó.
Sa isip ni Jesús, likás na tuso talagá ang kanyáng amá. Katunayan, sa edád nitóng pitomput dalawá, retirado itóng tulisán. Bago pa ang gera, dati na itóng magnanakaw ng mga kalabáw at baka. Kasama ang pangkát nitó, nag-aabáng itó ng mga biyahero at kaniláng pinahihintô, tinututukán ng baríl at nililimás ang pera at gamit.
“Ibinibigáy namin sa mga nagugutom ang mga nakukulimbát namin. Hindî akó masamâng tao. Hindî ba’t nagíng gerilya pa nga akó? Kayâ nga pagkatapos ng gera, nung mapunta ako sa Kawit, sumama akó sa noón sa pangkát ni Nardo. Nagíng tagapagtanggól kamí ng mga karaniwang magsasaká. Kung may tinutumbá man kamí’y mga abusadong tao’t mapagmalabís na pulitiko lamang.” Sagót ng kanyáng amá minsang sumbatán niyá itó.
Madalás kasíng tuksuhín noón ng mga kaklase si Jesús. Kesyo tulisán raw ang kanyáng amá, kesyo manyakis, kesyo matapang lamang at di mahuli-huli, kasí may agimat at antíng-antíng mulâ kay Nardong Putik.
Nasa limampû na edád ng kanyáng amá nang magka-anák. Nag-asawa lamang itó nang umuwî na sa probinsiyà. Ngayón ay dalawampú’t dalawáng taón na ang edad ni Jesús.
“At hindî totoó yang mga sinasabing agimat at antíng-antíng na yan! Hilig ko lamang magsusuót ng mga kuwintás at mga kung anú-anó pa bilang porma ng isáng eskrimadór. Si Nardo ay hindî naglalahò kapág nakakatuntóng sa putik. Kayâ “putik” ang tawag sa kanyá ay kasí iyón rin ang banság sa kanyáng amá na isá ring magsasaká.” Dagdág pa ng kanyáng amá.
May suót ang kanyáng amá na medalyón, iyóng tinatawag na Infinitu Deuz. Mayroón rin itóng iniingatang panyô na may mga nakasulat na Latin. Mayroón rin itóng kuwintás na pangil ng baboyramo, patí na rin isáng pulseras na may batóng hugis ulíulí o ipoipo. Madalás magtaká si Jesús kung bakit minsan ay parang naglalahò sa gubat ang kanyáng amá. Magkasabáy pa lamang siláng naglalakád ay biglâ itóng nawawalâ. O paakyát siyá sa buról at masasalubong niyá itó ng dalawáng beses.
Marami pang kakaibá sa kanyáng amá. Subalit ay minsang nariníg niyá rin itóng may pinabababâ sa itaás ng punò ng niyóg. Nang kanyáng puntahán ang bahagìng iyón ng niyugán, ay isá paláng dalaga na nangunguha ng niyóg sa lupà ni Pay Unyô ang sinisigawán nitó. “Ligò o karsél?” Sabi ng kanyáng amá sa magandáng dalaga nang itó ay nakapanaog na.
Umalís ang dalawá tungo sa direksiyón ng “Lihim na Talón.” May talón sa kagubatang kinaroroonan ng mga lupaing pinapangalagaan ng amá ni Jesús. Kauntî lamang ang nakaaalám ng nasabing talón. Siyá, ang kanyáng amá, ang kanyáng tiyuhin na si Armando Buntáng at mga kasamahán ng kanyáng amá. Katipunan ng Antingero. Bastá minsan binibisita ng mga itó ang kanyáng amá at may pinupuntahán silá, isa na rito ang “Lihim na Talón.”
“Huwág kang magpapaniwalâ riyan sa tiyuhin mo, ordinaryong talón lamang iyón. ‘Yang angkol mo na ‘yan, pinag-aral ko para mag-abogado, anóng ginawâ? Nagíng makatà, nagíng gurô ng panitikán sa unibersidád. Nahiligán pa yang mga agimat at antíng-antíng na yan. Paano tayo yayaman? Kayâ ikáw, mag-abogado ka, ipagpatuloy mo ‘yung pagtulong namin noon ni Nardo sa mga naaapí.” Minsang pangaral ng amá kay Jesús. Tinanóng niyá kasí itó kung totoóng kanlungan ng mga engkanto ang “Lihim na Talon.”
“Oo, Jesús. Katunayan, hindî mabatóng batis ang daán tungo sa balón, isá talagá itóng sementadong kalsada. Mataás ang antás ng teknolohiyá ng mga engkanto, at kung ilán ang populasyón ng tao, ganoon rin silá karami. At kung may mga propesyunal at mga paaralán tayo, mayroón rin silá. Mas mataás na urì pa nga ang
kaniláng mga sasakyán at armás. Ibá lamang ang hitsura ng mga itó sa paningín ng tao dahil nasa ibang dimensiyón silá.” Sagót ng kanyáng Tiyo Armando. Nagpapahingá silá noon matapos mag-ensayo ng eskrima. Nililinis nila ang isáng riple na M1 Garand ang tawag. Napulot nilá itó sa loób ng kuweba. Marami silang napupulot na mga baríl sa mga kuweba, minsan ay sa pusod ng gubat. Ang sabi ay mulâ pa raw itó sa panahón ng mga Hapón.
“Ibáng dimensiyón!” Sabi ni Jesús. Nasasabík sa paborito niyáng paksá.
“Parang ganitó. Isipin mo ang isáng radyo na nasa isáng silíd. Sa iisáng espasyong kinaroroonan ng radyo ay may nasasagap itóng maraming istasyón. May AM at FM pa nga.” Paliwanag ni Armando. Matalino nga itó at hindî lamang matulain, malakás pa at maliksî.
“AMalda Marcos at Ferdinand Marcos! Hahaha!” Natatawáng sagót ni Jesús.
“Ikáw talagá. Di ka talagá matigil sa birò mo na yan. Hahaha!” Natutuwâng sagót ni Armando.
“Kasí namán angkol, parang siláng mag-asawa ang kumukontról sa lahát. May isá ngang batà rito sa atin na ang akala ay si Marcos ang kumukontról sa ulán at bagyó.” Natatawá pa ring sambít ni Jesús.
“Ahaha… Huwág namán sana.” Sabi ni Armando nang may agam-agam.
“Bakit po angkól?” Tanóng ni Jesús. Napansín nitó ang daglîng pagseseryosó ng tiyuhin.
“Walâ namán Jesús. Bastá walâ namán talagáng nakaraán o hinaharáp. Ang lahát ay nakadepende sa relasyón mo sa tinitingnán, relativity nga sabi ni Albert Einstein.” Inibá ng tiyuhin ang usapan at nagpaliwanag na lamang.
Marami nang nasulat na aklát si Armando. Sa kabilâ nang pagiging premyadong makatà, mananaliksík din itó at marami nang naisulat na mga aklát patí na ang tungkól sa mga agimat, antíng-antíng at paranormal. Bagamá’t nasa Maynilà na itó at nagtuturò sa unibersidád, madalás pa rin itóng umuwî sa kaniláng baryo, nagsasaliksík sa gubat at kinukumusta ang pag-aaral ni Jesús. Itó kasí ang nagpapa-aral sa kanyá lalo at matandâng binatà itó sa edád na animnapû. Tulad ng kanyáng amá, nakakapagtaká ring wari’y hindî itó tumatandâ.
“Ah, depende kung asan ka. Kung may tumatakbóng trak na animnapû ang takbó, animnapû nga itó kung nakasakáy ka rin sa trak. Peró kung ang nakasakáy sa trak ay may ipupukól na bola na may bilis na animnapû rin tungo sa direksiyón rin ng trak, para sa nagmamasíd sa tabí ng kalsada, ang bilís nung bola ay isandaan at dalawampú.” Kuhang-kuha ni Jesús. Mahilig kasí siyá sa asignaturang pisiká.
“At kung titingnan ang mundô mulà sa malayòng planeta gamit ang isáng super na teleskopyo, ay bakâ mga dinosaur pa ang makita rito at hindî tayo.” Dagdág ni Armando.
“Kayâ sa dulo ng uniberso ay walâ nang konsepto ng oras!” Masayáng kongklusyón ni Jesús. Mahilig kasi siyá sa mga ganitóng paksá.
“Hindî lamang natin makita subalit, sa isáng espasyo, sabáy-sabáy na umiiral ang nakaraán, ngayón at hinaharáp kung meron man nitó. Hmmm… Ang mga UFO kayâ ay tayo rin? Ang mga engkanto kayâ ay ibáng sibilisasyón na umiral o iiral pa sa espasyong itó? At kung sino man ang makawawasak sa padér ng mga dimensiyón ay magtatagláy ng sukdulan ng kapangyarihan.” Paglalagom ni Armando habang iniaabót kay Jesús ang kalilinis na M1 Garand.
“Ganitóng-ganitó ang pandidilat ng mga matá ni Amá.” Sambít ni Jesús sa sarili habang nakatitíg pa rin sa bangkáy na yaón. Mas batà lamang, subalit ang bangkáy ay parang ang kanyáng amá. Ang malinaw na tubig ang salamín ngayón at salamín namán ng kabaong noóng burol.
“Distorbo sa bukid ang mga rebeldeng iyán! Isuplóng at huwág bigyán ng makakain! Gutumin gaya ng iyóng iná!” Sigáw ni Max habang itinatalï ni Jesús ang amá sa tulong ng mga kasamahán sa Katipunan.
Kanina lamang ay naabutan ni Jesús na hinahabol ng tagâ ng kanyáng amá ang kanyáng iná. May kalaguyò raw itó. Kakatwâ dahil pitomput limá na ang edád nitó at mas nakatatandà pa sa kanyáng amá. Nanlilisik ang mga matá nitó habang paikot-ikot sa paligid ng kaniláng dampâ. Sa kung anóng dahilán ay wari’y hindî nitó mahanap ang kaniláng pintuan. At maririníg lamáng sa loób ang orasyón ng manggagamot niyá ring iná.
Bayolente talagá ang kanyáng amá. Katunayan, ayon kay Pay Unyô hindî namán raw talagá niyá engkargado si Max. Naabutan niyá lang raw itó noón na nagtatagò sa magubat na bahagî ng kanyáng lupaín. Nagmakaawà raw itóng huwág isuplóng. Nakapatáy raw kasi itó sa Maynilà, mga kaaway raw ni Nardong Putik, maimpluwensiyá. Hinahanap daw sa kanyá ang mga agimat at antíng-antíng ni Nardo. Paano namán raw iyón? Hindî namán raw totoó ang mga bagay na yaón. Nagpang-abot daw silá sa talyér na pinagtatrabahuhan niyá, nagkabarilan, at iyón nga, naubos niyáng napatay ang pangkát.
Bumubulâ ang bibíg ng kanyáng amá. Nagpupumiglás. Likás na malakás ang kanyáng amá subalit pansín ni Jesús na mas mahinà itó ngayón.
“Nauulól ang iyóng amá… Mag-iisáng taón na kasí mulâ nang mapasláng si Nardong Putik. Malamáng nasa iyóng amá ang mga gamit ni Nardo. Nasa kanyá nga Jesús… Naghihimagasík ang gamit lalo at pinagtaksilán si Nardo. Kailangan nitó ng mas malakás na katawán. Nailipat sa tatay mo siguro ang gamit nang minsang makulong si Nardo. Kayâ hinahanap sa kanyá itó noón ng mga nakakaalám.” Sabi ng isáng matandang antingero kay Jesús. Hindî niyá mawarì kung nalulungkót o natutuwâ itó. Lalo at huminà nang huminà si Max Buntáng.
“Kamukhâ ko palá talagá ang aking amá.” Nakatitíg pa rin si Jesús sa bangkáy sa batis, sa sarili niyáng bangkáy lalo na sa mga sugat nitó. Subalit biglâng may gumambalà sa taimtím na gubat. Hindî mga ibon, hindî baboyramó o anó pa mang lamáng-gubat kundî mga yabág. Mga botang bumabasag sa malá-salamín na batis. Mga sundalo, isáng pulutóng na sundalo. Lahát walâng nameplate. Naka-umang agád ang mga M16 sa kanyáng mukhâ at lumapit sa kanyá ang isá sa mga itó at pasinghál na nagtanóng: “Sino ka at anóng ginagawâ mo rito?”
“Jesús Buntáng po, magsasaká, estudyante.” Sagót niyá.
“Kung ganoón kilala mo ang magkapatíd na Buntáng. Nasaán silá?” Balík nitó.
Sumunód ay katahimikán at iyák ng mga kulisap at ibon. Mahabâ ang buhók at balbás ng sundalo. Hindî itó mukháng opisyál. Lahát silá’y may sukbít ring mahahabâng iták.
“Bakit po ninyó silá hinahanap?” Tanóng ni Jesús.
Nagkatinginan ang mga sundalo. Makahulugáng tingín, malihim na tingín. At sumagót ang opisyál: “Wanted silá, illegal possession of firearms.”
“May arrest warrant po ba kayó?” Tanóng ni Jesús. Paborito niyáng basahin ang mga aklat sa batás ng kanyáng tiyuhin.
“Walâng warrant-warrant sa amin. At suspendido ang writ of habeas corpus. Di mo ba nariníg ang deklarasyón ng Martial Law ni Apò?”
Sa isip ni Jesús, itó na iyóng bali-balitàng magdedeklará ng Batás Militár ang Pangulo. Talamák na raw kasí ang rebelyón. Pero kagaya ng Plaza Miranda bombing, palabás lang raw ang mga dahiláng itó. Nais raw talagá ng Pangulo ay labis na kapangyarihan.
Naaalala pa ni Jesús ang tulâng binasa ng kanyáng Tiyo Armandó sa isáng pagpupulong ng mga manunulát. Tungkól ang tulâ sa naganáp na engkuwentro ng Philippine Constabulary at New People’s Army sa Palanan, Isabela. Namumulot noón ang kanyáng tiyo ng mutyâ sa tabíng-dagat nang maipit sa barilan ng dalawáng panig. Nagdidiskargá raw kasi ng mga armás ang mga NPA mulâng MV Karagatán nang datnán ng mga PC. Tatlóng araw ang bakbakán. Ni hindî nagalusan ang kanyáng tiyuhin. Natuwâ raw sa kanyá ang opisyál ng PC at iniharáp siyá sa Presidente mismó. Warìng interesado ang Pangulo sa paranormal, sa supernatural at kapangyarihang galing sa mga agimat at antíng-antíng. Patí raw mga aklát ng kanyáng tiyo ay binasa nang mabilisan ng Pangulo at kakatwâng nakabisa agád itó. Nagka-interes pa nga raw itó sa mga psychic surgeon at ipinatawag sa kanyá si Jun Labò.
Gaya ng Pangulong Marcos ay matalas rin ang gunitâ ni Jesús. Kabisado niyá pa ang tulâ ng kanyáng Tiyo Armando:
“Namulot ng mutyâ’t
Kung hindî ay akó ang hahanapin nitó.
Magsasaká’t dukhâ
Ngunit alumpihit ang diwâng antingero.
Biyayà ng lupâ
Ang bawat pag-ani, reseko ma’y maligno.
Kaya’t hinilatà
Ang katawáng pagál sa gatipák na bató.
Akó ay nagsigâ
Sa dalampasigang balwarte ng engkanto.
Baság ay winikâ
Kumislót ang isdâ, kasama’y alimangó.
Ihawá’y hinandâ
Batóng tungkúng-kalán at ang daláng kaldero.
Nang sa may kaliwâ
Sa may buhanginán ay may napansin akó.
Nang lapitan biglâ
Ang naaninag ko, ripleng tila kargado.
Lalo pang nagitlâ’t
Sa di-kalayuan ay may buwál na taó.
Dibdíb ko’y dinagâ
At bangkáy na itó ay may butas sa ulo.
Ako ay tulalâng
Lumakad pauróng, “kadre ba o sundalo?”
May sumigáw, “Dapâ!”
Mortar ay kumulóg, punglô ay ipoipo.
Pugad ng engkanto’y isá paláng engkwentro!”
Umaalingawngáw pa sa yungib ng diwà ni Jesús ang tulâ. Alám niyáng nasangkót na silá sa kaguluhang itó. Batíd niyáng nanganganib ang buhay ng kanyâng tiyuhin sa mga walâng ngalang sundalong itó.
“Subalit patáy na po ang tatay ko…” Sagót ni Jesús sa opisyál. At tila nagíng tahimik ang gubat. Umikot ang paligid, umikot nang umikot. Kasabáy sa pag-ikot ay ang tinig ng kanyáng amáng si Max Buntáng, ang retiradong tulisán na nagíng simpleng magsasaká at albularyong si Max Buntáng. Ang pinagkatiwalaan ng gamit ni Nardong Putik na si Max Buntáng.
“Jesús anák. Totoó ang mga agimat at antíng-antíng. Isuót mo ang medalyón ko. At kunin mo rin sa aparadór ang panyô. Patí na ang nababalot nitóng kuwintás na pangil ng baboyramo na may nakalambitin na gintóng salagubang sa gitnâ. Naroón rin ang mutyâ ng ulíulí. Tandaán mo rin ang mga itinurô ng tiyo mo sa iyó. Ipagpatuloy mong basahin ang mga libró ng batás at lumaban ka anák. Sumamá ka sa kanilá sa Lihim na Talón… At pagkatapos ay lumaban ka anák, lumaban ka anák!” Ang hulíng habilin ng kanyáng amá bago itó nagkikisáy at tila tumandâ nang maraming taón bago nalagután nang hiningá.
Kayâ’t binunót ni Jesús ang kanyáng minasbád. Hindî ba’t tagláy niyá ang ilán sa mga gamit ni Nardong Putik patí na ang dunong sa eskrima? Manlalabán siyá sa unang pagkakataón. Itó na ang simulâ ng kanyáng alamát. Hindî ilegal na armás ang sadyâ mga sundalông itó. Sugò silá ng Pangulo upang makuha ang mga agimat at antíng-antíng. Sugò silá ni Marcos, ni Marcos Supernatural na hangád tunguhin ang Lihim na Talón!
Sinulyapán niyá ang bangkáy sa batis subalit naglahò na itó! Sa kabilâ ng kanyáng pagkagitlâ ay sinugod niyá ang opisyál.
Brrraaaaaaaaatttt!!! Awtomatikóng nanlisik ang mga M16. Bawat punglô ay tinungo ang kaniláng sadyâ, ang katawán ni Jesús Buntáng.
Bumagsák sa batis si Jesús, tadtád ng bala. Lumapit pa sa kanyá ang mga sundalo at mulî siyáng nirapido nang nirapido. Nakataás na ang mga kamáy ni Jesús, warì’y sumusukò. Sa ilalim ng tubig ay nakabuká ang kanyáng dumudugông bibíg, dilát na dilát ang kanyáng mga matá. Tila uláng bumubuhos sa rabáw ng batis ang mga bala.
Mga mambabasá, sa tagpông itó ay iisipin ninyó na tilá palpák ang agimat at antíng-antíng na namana ni Jesús Buntáng. Ang patunay rito ay ang naganap sa itaás na talatà. Subalit ay hindî. Hindî mapapasláng si Jesús Buntáng. Akó na mismóng may akdâ ang maneneguro na hindî siyá mapapatáy sa tagpông itó.
Matapós ang libíng ni Max Buntáng ay sinamahán ni Armando Buntáng at ng Katipunan ng mga Antingero si Jesús. Tagláy ang mga gamit ni Nardong Putik, naligò itó sa Lihim na Talón. At gaya ng dalagang kasapì ng Katipunan na nagnakaw noon ng niyóg sa lupaín ni Pay Unyô, nalinis rin ang budhî ni Jesús Buntáng. Ligò o karsél? Pinilì ng dalaga ang maligò at mulîng magíng dalisay at huwág nang magnakaw mulî. Hipokritó kamo si Max Buntáng? Opò, kayâ nga bilang may akdâ, hindî na akó nakapagtimpî at inulól ko siyá at tsinugì.
Akó na may akdâ ang hinaráp ni Jesús Buntáng sa Lihim na Talón. Akó na may kapangyarihan sa daigdíg na itó. Akó na maylikhâ ng ibá’t ibáng dimensiyón ang humahawak sa noón, ngayón at sa daratíng pa ng isáng akdâ. Ang Talón, ang kanlungan ng pagkamikhain at akó ang Ultimóng Engkanto ng mga salità.
Kayâ pagkatapos namíng magharáp-haráp ay tinagláy ni Jesús Buntáng ang agimat at antíng-antíng na pinagbisa ko rin. Kayâ mulîng mauulit ang eksena sa batis.
Sinulyapán ni Jesús ang bangkáy sa batis at kakatwâng naglahò na itó. Sinugód niyá ang opisyál, simbilis ng kidlàt. Humintô ang pagdaloy ng batis, ang pagsimoy ng hangin, ang mga himig at galáw ng gubat. Humintô rin ang pagdaloy ng panahón para sa mga sundalo. Mga estatwa siláng nangaghintô. At si Jesús Buntáng lamang ang gumagaláw.
Arál na arál ni Jesús ang mga pagmamalabís ng mga espesyál na sundalong itó na walâng mga ngalan. At ngayón namán, ay sa ngalán ng mga pinasláng niláng estudyante, magsasaká, iná, amá, até, kapatíd at magíng kapwâ sundalong matuwíd; inisá-isáng ginilitán ni Jesús ang leég ng mga itó. Ginilitán nang ginilitán hanggáng nagkulay dugô ang batis.
Hulíng pinatáy ni Jesús ang opisyál. Tinapyás niyá ang ulo nitó. Sakâ nilinis niyâ ang talím ng minasbád. Marahan siyáng naglakád papalayò. Nagsimulâ na ang kanyáng pakikibaka at ang pakikibaka ng Katipunan ng mga Antingero.
“Mahál na Pangulo, kailangan na po nating umalis.” Mahinàng sambít ng Heneral.
Hindî na naubos ng nakaratay na Pangulo ang mansanas na kinakain. Tumayò itó, inakay ng anák na lalaki. Iniabót ng Pangulo ang isáng mutyâ sa anák at nanghihinàng binulóng: “Hanapin mo si Jesús Buntáng at ang Lihim na Talón, Iho. Baguhin mo ang kuwentó.”
(Saranggola Awards Entry 2024)

http://www.culturalcenter.gov.ph

https://www.facebook.com/SaranggolaPH/

KUNG PAANONG TINALO NG BATÀNG SI OGANG ANG HALIMAW NG DILÍM
November 10, 2024
Mga batà! Gustó ba ninyó ang dilím? O ayawwwww! Pakinggán natin ang isáng kuwentóng tungkol sa dilím! Tayo na’t pumasok ng tent o taklubán ang ating mga sarili ng kumot, pailawin ang flashlight at pakinggán natin ang kuwentó tungkól sa isáng halimaw na yari sa dilím! Nakakita na ba kayó ng halimaw na yarì sa dilím?
Noóng batà pa ang mundó kagaya ninyó, may isáng araw na tila parang tinaklubán rin ng kumot o nasa loób ng tent ang buông mundó. Labis ang dilim ng paligid!
Sa sobráng dilím, ayaw nang lumabás ng kanlungan ang mga kasapì sa isáng tribo. Patí mga mangangaso at tagatipon ng makakain ay ayaw na ring magsilabás!
“Nana Baliana, bakit po ang dilím sa buông paligid?” Tanong ng batàng si Ogang sa babaylán ng kaniláng tribo habang nasa loób silá ng kuweba.
“Nilamon ng Halimaw ng Dilím ang araw, Ogang.” Ang malungkót na sagót ni Nana Baliana habang nakatingin sa labás ng kuweba.
“Halimaw ng Dilím? Anó po iyón? Nakakatakot namán po!” Mulîng tanóng ni Ogang.
“Ang Halimaw ng Dilím, ang halimaw na yarì sa dilím. Gumagala kapág gabí. Nanginginain sa paligid kapág sumasapit ang karimlán. Talagáng labis ang tagtuyót Ogang. Magíng ang araw ay kinain na rin ng Halimaw ng Dilím.” Paliwanág ni Nana Baliana.
Namilog ang mga matá ni Ogang. Naisip niyá ang isáng dambuhalàng halimaw na yarì sa dilim. Maitím, mahabà ang buhók na kakulay ng dilím na sa sobrang habâ ay puro buhók na lamang itó! Buhók na dilím sa likód, buhók na dilím sa kaliwâ at kanan, buhók na dilím maging sa haráp! Bawat kinakain nitó ay tinataklubán nitó. Tinaklubán ang punò, tinaklubán ang ilog, tinaklubán ang bundók, tinaklubán ang dagat, tinaklubán ang araw!
“Magíng nga po siná amá ay walâ ring naiuuwî galíng sa pangangasó at magíng si Iná kauntî rin ang natitipong makakain na mga manî, butó, bitungól at prutas!” Pahayág ni Ogang habang nasa isip pa ang hulagwáy ng halimaw na yarì sa dilím.
“Bakâ kailangan na namán nating iwan ang ating pansamantaláng kanlungan rito na yarì sa mga tipák ng bato, kahoy at mga dahon. Bakâ kailangan na namán nating lumipát ng kanlungan para sa ating tribo.” Hakà ni Nana Baliana.
“Na namán! Nakú po!” Nadidismayáng sagót ni Ogang.
Nakailáng lipat na kasí ang tribo nilá ng kanlungan. Tribong pagala-gala o lagalág siná Ogang. Palipát-lipát silá ng lugár. Minsan sa kabundukan, minsan sa kapatagan, minsan sa lambák, minsan sa talampás, minsan naman ay sa buról, minsan ay sa tangwáy. Kahit saán, bastá at may makakain.
Habang nag-uusap siná Ogang at Nana Baliana sa bukana ng kuweba, dumating si Bornók, ang isá sa mga mangangaso. Naglakás loób itóng lumabás sa kanyáng kanlungan upang tunguhin ang kuweba ng babaylán. “Nana Baliana, kailangan nating mapuksâ ang Halimaw ng Dilim, kailangan mong magsagawâ ng ritwál upang tanungín si Gugurang na poón kung ano ang ating gagawín, kung ano ang sandatang mabisa laban sa Halimaw.” Sabi nitó.
“Hayaan mo, magsasagawâ akó ng Ritwál ng Haliya ngayon rin!” Sagót ni Nana Baliana.
“Ritwál ng Haliya? Anó po yun?” Tanóng naman ni Ogang habang naghahandâ ng mga gagamitin sa ritwál si Nana Baliana.
“Ritwál para paalisín si Bakunawà, isáng dambuhalang sawá na nilalamon ang araw o buwán.” Maagap na sagót ni Bornók.
“Subalit hindî si Bakunawà ang pakikiusapan natin ngayón kundî ang Gugurang mismo na lumikhâ ng lahát.” Dagdág ni Nana Baliana.
“At kailangan mong lumabás ng kuweba, Ogang. Ngunit kung gustó mong manatilì, kailangan mong magíng asog.” Sabi pa ni Bornók.
“Hindî akó lalabás ng kuweba. Katakot! ‘Di po ba Nana Baliana, sinabi po ninyóng gagawin ninyó akóng asog? Anó po ang asog?” Tanóng ni Ogang habang nagkakamót ng ulo.
“Asog, lalaking nakasuot pambabae, gumagaláw na parang babae at katuwáng sa ritwál ng isáng babaylán.” Si Bornók na ang sumagót.
“Babae lamang ang maaarìng magsagawâ ng ritwál dahil kababaihan ang sisidlán ng kapangyarihang pangkaluluwá.” Paliwanag ni Nana Baliana.
“Kayâ kung gustó ng isáng lalaki na sumali sa ritwál kailangan niyáng magsuót pambabae.” Dagdag pa ni Bornok. Halatâng nagíng asog na itó dati.
Likás na mapagmasíd, ginaya ni Ogang si Bornók habang isinusuót nitó ang balabal na gaya ng kay Nana Baliana na ngayón ay pumapahid na ng langís sa paá, tuhod, balikat at ulo. Umuusok na rin ang mga sari-saring ugát at dahon na sinindihán kanina lamang.
Likás na masiglá at masayahin, ginaya rin ni Ogang ang pagsayáw nina Nana Baliana at Bornók. Matipunô ang katawán ni Bornók, lalaking-lalaki itó subalit nakasuót pambabae at pakembot-kembot pa.
“Gurugang, O Gugurang,
Anó pong ilalaban
Sa dilím na halimaw?”
Malakás ang tinig ni Nana Baliana, halos umaawit, malakás subalit magalang. Paulit-ulit.
“Gugurang, O Gugurang,
Anó pong ilalaban
Sa dilím na halimaw?”
Paulit-ulit hanggáng patí sina Bornok at Ogang ay gumaya na rin.
“Gugurang, O Gugurang,
Anó pong ilalaban
Sa madilím na mamaw?”
Sabi ni Ogang.
At nariníg niláng bumuhos ang ulán sa labás. May kasama pang kulóg at kidlát! Mayâ-mayâ ay nariníg nilá ang madagundóng na tinig:
“PANGKAWIT NITÓNG GUBAT,
SA PALAYÁN NA ITÁK,
ESPADA NITÓNG DAGAT!”
Sumagót si Gugurang! Alám na nilá ang mga sandata laban sa Halimaw ng Dilim! At umulán pa! Matatapos na ang tagtuyót!
Nang tumahimik ang panginorin at tumila ang ulán, sakâ lamang nagsalita si Nana Baliana: “Ibalità mo Bornók, sabihin mo sa tribo ang sagót ni Gugurang sa ating tanóng. Sabihin mo kung anó ang sandata laban sa Halimaw ng Dilim!”
“Kawit ng gubat. Iták na nasa palayán. Espadang nasa dagat… Alám ko na!” Sabi ni Bornók at matapang itóng lumabás mulî ng kuweba.
Makalipas ang maraming oras, madilím pa rin ang buóng paligid. Nababahalàng sinabi ni Ogang: “Nana Baliana, hindî siguro mahanap nina Bornók at niná amá ang mga sandata kayâ madilím pa rin… Hindî nilá mapuksâ ang Halimaw ng Dilím…”
“Hmmm… Kawit na nasa gubát. Iták na nasa palayán. Espada na nasa dagat…” Malalim ang iniisip ni Nana Baliana.
Samantalà sa kagubatan, namimilipit sa sakít ang isáng mangangaso dahil nahulog itó sa patibóng para sa baboyramó. Sa latiáng bahagì namán ay nagkakandarapà sa putikan ang ilán sa kaiiwas sa pagsuwág ng isáng kalabáw. Sa karagatán namán ay nasilò sa sariling sinsuro o ipinagbabawal na paglalambát ang mga nangingisdâ ng malasugí. Masamâ kasi ang sinsuro dahil tila itó dambuhalàng lambát. Hinihilà itó patungo sa baybayin ng maraming bangkâ. Nasisirà ang mga korales at napapasama magíng mga maliliít na isdâ.
Lahát silá ay pinamunuan ni Bornók na ngayón ay bigông-bigô. Iilíng-ilíng ang mga matatandâng kasapì ng tribo patí ang amá ni Ogang habang tangan ang mga sulô.
“Kawit ng gubat kung kayâ nanghuli kamí ng baboyramó. Di po ba kawahíg ng kawit ang mga pangil ng baboyramó? Iták na nasa palayán. Di po ba ginagawâng puluhán ng iták ang sungay ng kalabáw? Kayâ sinubok po naming manghuli ng kalabáw para katayin at tanggalán ng sungay. At ang espada ng karagatán. Di po ba tukâ yun ng malasugí? Kayâ nagsinsuro kamí ng malasugíng isdâ na mahabà at patusók ang tukâ na parang espada! Subalit nabigô kamí at napakadilím pa rin ng sanlibután.” Malungkót na ibinalitâ ni Bornók kay Nana Baliana ang mga pangyayari.
“Pangkawit nitóng gubat,
Sa palayán na iták,
Espada nitóng dagat…”
Paulit-ulit si Nana Baliana, tila nag-oorasyón. Tila bumibigkás ng isáng bugtóng.
“Alám ko na! Sumama ka sa akin Kuya Bornók. Lumabás tayo ng kuweba at alám ko ang gagawín! Nana Baliana, lalabás po muna kamí!” Masayáng sigáw ni Ogang. Tumangô lamang si Bornók at sumunód sa kumakandirít na si Ogang na may bitbít na sulô.
Matagál mang panahon ang lumipas, dahan-dahan ring sumilip ang liwanag sa panginorin. May sinag na tumamà sa gubat. May sinag na tumamà sa batis, sa bundók, sa kapatagan, sa talampás, sa lambák, sa buról! Dahan-dahan, hanggang tuluyan nang sumikat ang araw!
Lumabás sa yungib si Nana Baliana at nakita niyá ang napakaraming tao mulâ sa iba’t ibang tribo, nagsasama-sama at nagbabayanihán. May pangkát na nagpapa-apóy ng koprahan matapos magkawit ng niyóg, may pangkát na katatapos pa lamang umani ng palay at nagpapasiláb ng apá. May pangkát na namimingwít, pagkarami-raming mga bangkâ na may kanyá-kanyáng pailaw na sulô.
Ang pinagsama-sama niláng liwanág ang nagpalayas sa Halimaw ng Dilím! Pagsasaka, pagniniyóg at tamâng pangingisdâ ang mga sandatang gumapî sa Madilím na Mamaw!
Nagbubunyî ang mga tribo at buhát-buhát ni Bornók sa balikat si Ogang habang nagsasayá ang lahát. Umaawit silá:
“Pangkawit ng gubat ay gamit pangkopra!
Iták ng palayán, dahong-palay palá!
Espada ng dagat, bingwít walâng ibá!”
Sa di-kalayuan, nagmamasid si Nana Baliana. “Itó na ang ating kanlungan. Napagtantó mo ang tunay na sagot, Ogang. Magiging mahusay kang asog o kayâ pinunò. Napagtantó mong ang sipag, ang bayanihán, ang pagtataním, at ang pagmamahál sa kalikasan ang mga tunay na sandatang kaloob ni Gugurang upang palayasín ang anumáng dilím, takot at alinlangan.” Nakangitîng sambít nitó.
Kayâ mga batà takót pa ba kayó sa dilím? Handâ ba kayóng tanggapín ang mga sandata na tatalo sa Halimaw ng Dilím kung sakalìng itó ay magbalík upang mulîng lamunin ang liwanag?
(Saranggola Awards 2024 Entry)

http://www.culturalcenter.gov.ph

https://www.facebook.com/SaranggolaPH/
